MANILA, Philippines – Iginiit ng National Security Council (NSC) na ang pagdadala ng mahahalagang suplay sa mga sundalong Filipino sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ay karapatan ng bansa at hindi dapat pakialaman.
“Ang dinadala natin doon ay mga bagay na kailangan ng ating tropa. We are not bringing things that are not essential,” pagbabahagi ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa mga mamamahayag nitong Martes, Agosto 8.
“Kung anuman yung mga kailangan nilang dalhin, we are well within our rights na dalhin yun, at hindi tayo pwedeng diktahan kung ano yung mga dadalhin natin at hindi natin dadalhin,” dagdag ni Malaya.
Nauna nang sinabi ng Chinese Coast Guard na binomba nila ng water cannon ang barko ng Pilipinas patungo sa Ayungin Shoal dahil ito ay may dalang “illegal building materials” at pumapasok sa teritoryo ng kanilang bansa.
“Sila nga nagmimilitarize ng ibang mga pulo, naglalagay ng kung ano anong radar tapos batteries [Them, they militarize other islands, installing some kind of radar and batteries]. Tayo, we are just supplying our troops to maintain our presence in the shoal,” sinabi pa ng NSC official.
Ang commissioned vessel ay nasa Ayungin, o kilala bilang Second Thomas Shoal, na nasa 104 nautical miles kanluran ng Palawan at pasok sa 200 nautical miles exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Samantala, ipinunto rin ni Malaya na responsibilidad ng Pilipinas na panatilihin ang BRP Sierra Madre, “for the benefit of our troops there” at kung hindi ito gagawin ay kapabayaan naman ito sa pamahalaan.
Sinabi rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang BRP Sierra Madre ay nagsisilbing permanent station para sa Filipino military troops para panatilihin ang karapatan at interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Nitong Martes, sinabi ng Chinese Ministry of Foreign Affairs na nangako umano ang Manila na aalisin na ang barko pero hindi naman ginagawa.
Itinanggi naman ni Malaya ang pag-iimbento ng China. RNT/JGC