MANILA, Philippines – Nagpahayag ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa panukalang pagpapalakas ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program na layong maitanim ang pagiging makabayan, bayanihan, at disiplina sa mga kabataan.
Binigyang-diin din ng senador ang potensyal ng pagtataguyod ng sports sa mga kabataan bilang paraan upang mailihis sila sa mga bisyo tulad ng iligal na droga at pagtataguyod ng malusog na pamumuhay.
“Pag-aralan nating mabuti,” sabi ni Go sa panayam pagkatapos ng monitoring visit niya sa Malasakit Center sa Catbalogan City, Samar, nang tanungin tungkol sa panukalang muling pagbabalik ng ROTC sa curriculum.
“Sa ngayon po ay nagde-debate pa sa Senado, nasa interpellation period na po ito sa Senado. At suportado ko po ang ROTC dahil mas matuturuan natin ang kabataan ng spirit of bayanihan, love of country, displina po at patriotism,” paliwanag ng senador.
“Makakatulong din po ito na mailayo natin ang kabataan sa iligal na droga. Alam n’yo, kapag may disiplina po tayo, mas mailalayo po natin ang mga kabataan sa masasamang bisyo. ‘Yung mga pumapasok sa droga, sayang ‘yun. ‘ Yun ang mga naliligaw, walang disiplina sa kanilang buhay,” dagdag ni Go.
Binigyang-diin ni Go na ang mga benepisyo ng ROTC ay higit pa sa pagsasanay sa militar.
Makatutulong ito sa pagtugon sa sakuna, partikular kung isasaalang-alang ang kahinaan ng Pilipinas sa mga natural na kalamidad.
“Makakatulong din po ito sa disaster response at other humanitarian activities, especially ngayon po dahil sa climate change at ang ating posisyon sa Pacific Ring of Fire, mas prone po tayo sa natural disasters and calamities,” anang senador.
Iminungkahi rin ni Go ang ideya ng pagbibigay ng mga alternatibong oportunidad, bukod sa ROTC tulad ng aktibong pagtataguyod ng sports sa kabataan upang sila ay mahubog na mas maging produktibo at mahusay na mga indibidwal.
“Isa-suggest ko, nandiyan po, ibalik ang ROTC but magkaroon tayo ng alternative program rin. Ibig sabihin, baka in lieu of ROTC, baka pwede silang pumasok sa mga sports program,” ani Go.
Ang ROTC ay dating mandatory requirement sa antas ng kolehiyo ngunit ginawang opsyonal sa pamamagitan ng Republic Act No. 9163. RNT