MANILA, Philippines – Papaigtining pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang pagpapatrolya sa Iroquois Reef sa West Philippine Sea (WPS) matapos na mamataan kamakailan ang 48 Chinese vessels na palibot-libot sa lugar.
Sa isang panayam sinabi ng tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang Iroquois Reef ay 128 nautical miles lamang ang layo mula sa Palawan at kaya nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Currently, based on our last monitoring report, the Chinese maritime militia’s based in that area. The PCG and AFP, for this coming week, will be intensifying our patrol to make sure that they will leave Iroquois Reef,” giit niya.
Ang PCG ay maaaring magtalaga ng 97-meter at 44-meter coast guard vessels nito sa mga follow-up operations para itaboy ang mga Chinese vessel palayo sa teritoryo ng Pilipinas, dagdag niya.
Sinabi ni Lieutenant Karla Andres, co-pilot ng light patrol aircraft ng Philippine Navy, na ang 48 Chinese fishing vessels na nakita malapit sa Iroquois Reef sa pamamagitan ng air patrol na isinagawa noong Hunyo 30 ay naobserbahang “naka-angkla sa mga grupo ng lima hanggang pito at walang mga aktibidad sa pangingisda ang napansin.”
Batay sa naunang mga flight ng Intelligence Surveillance and Reconnaissance (ISR), sinabi ng Wescom na tumaas ang bilang ng mga Chinese fishing vessel sa lugar mula 12 noong Pebrero hanggang 47 noong Hunyo 12.
Bukod sa mga Chinese fishing vessels na ito, tatlong barko ng China Coast Guard (CCG) at dalawang People’s Liberation Army Navy vessels ang nakitang “regular na gumagala” malapit sa Sabina Shoal, ayon sa AFP Western Command (Wescom). RNT