PINALAGAN ng grupo ng mga kababaihan ng Jala Jala Rizal ang ipinatutupad na curfew ng local na pamahalaan dahil labis na naaapektuhan umano nito ang negosyo sa naturang bayan at nilalabag nito ang Karapatan pantao ng bawat iindibiwal.
Ayon sa grupong Jala Jala Council of Women nagpatupad ng curfew ang pamahalaang bayan ng Jala Jala simula Oktubre 26-30 taong kasalukuyan para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Election 2023 at ipapatupad dakong alas 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
Nabatid pa sa grupo ng Jala Jala Council of Women na may 5,000 miyembro nilagdaan ni municipal Mayor Elmer Pillas ang naturang kautusan ng curfew dahil na rin umano sa resolution ng mayorya ng mga elected Barangay Chairman sa naturang bayan.
Sinabi pa ng grupo na tumangging magpabanggit ng kanilang pangalan na ang grupo ng mga kababaihan na binubuo ng kabataan, senior citizens group, kababaIhan na mga nanay na tinututulan nila ang ipinatutupad na curfew dahil naaapektuhan nito ang mga negosyo sa naturang bayan na halos hindi pa nga nakakabangon dahil sa epekto ng Pandemya.
Ayon pa sa grupo ng Jala Jala Council of Women ipinatupad ang curfew sa 11 barangay ng Jala Jala at labis umanong naapektuhan nito ang negosyo ng mga restaurant, tindahan, bar, kapihan, at mga negosyante ng mga nagdedeliver ng gulay at isda sa karatig bayan.
“Ang siste hindi tuloy makabiyahe ang mga negosyante ng gulay at isda dahil sa ipinatutupad na curfew” ayon pa sa grupo ng Jala Jala Council of Women.
Nabatid pa sa grupo na pati ang mga mangingisda ay hindi makapalaot sa dagat dahil sa curfew gayon ang oras ng hanapbuhay ng mga mangingisda para makahuli ng isda ay sa gabi at madaling araw.
Idinagdag pa ng grupo na napakatahimik ng bayan ng Jala Jala Rizal at bilang katunayan ang crime rate umano sa naturang bayan ay napakababa kumpara sa ibang bayan pagtatapos pa ng naturang grupo. Santi Celario