MANILA, Philippines – Kasunod ng panukala ni Senador Sherwin Gatchalian na value-added tax (VAT) refund para sa mga non-resident na turista, sinabi nito na dapat maayos ang pagpapatupad nito at walang mga aberya upang maisakatuparan ang pag-akit ng mas maraming turistang pumunta sa Pilipinas.
“Napakahalaga ng customer experience at ang gusto natin ay isang maayos na pagpapatupad nito kapag ang mga turista ay nag-claim na ng kanilang refund sa airport,” sabi ni Gatchalian.
Ang proseso ng refund ng VAT ay dapat nasa digital form na, tulad halimbawa sa Singapore, upang maging mas madali para sa non-resident tourists na mag-claim ang VAT refund.
Sinabi ni Gatchalian na may probisyon sa naturang panukala na makaiwas sa anumang posibleng pang-aabuso ng ilang indibidwal na maaaring magsamantala sa programa.
Aniya, dapat isama sa panukala ang isang probisyon para sa accreditation ng mga retailer na kikilalanin para sa proseso ng VAT refund, lalo na ang micro at small enterprises o mga maliliit na negosyo. Ang pag-accredit sa kanila ay makakapigil sa mga maaaring magtangkang manlinlang sa gobyerno sa pamamagitan ng VAT refund program.
“Gusto ko talagang bigyan ng espesyal na atensyon ang mga lokal na produkto. Maaari itong maging isang magandang pagkakataon upang i-promote ang mga lokal na produkto lalo na’t maraming mga maliliit na negosyo sa bansa na kailangan nating tulungan,” sabi niya.
Pinag-aaralan din ng Senate Ways and Means Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, ang posibilidad na isama ang mga overseas Filipino worker o Filipino expats na nakabase sa ibang bansa sa VAT refund scheme.
Ipinunto ni Gatchalian na ang inaasahang mawawalang kita na P4 bilyon dahil sa VAT refund ay maaaring mabawi sa kikitain ng bansa mula sa shopping activities na tinatayang nasa P9 bilyon.
Dagdag pa niya, ang nasabing tax reprieve ay nakikitang mag-aambag ng humigit-kumulang P12 bilyon na gross domestic product (GDP).
Ayon kay Gatchalian, posibleng maisabatas ang panukala sa loob ng taon. Ang Pilipinas na lamang, aniya, ang natitirang bansa sa ASEAN na hindi pa nagpapatibay ng VAT refund program para sa non-resident tourists.
Dahil sa panukalang VAT refund, nakikitang mapapaigting ang competitiveness ng bansa pagdating sa pagiging top tourist destination sa Asya at inaasahang maibabalik ang dami ng mga turista sa bansa sa pre-pandemic level na 8.2 milyon noong 2019. Ernie Reyes