Home NATIONWIDE Pagpapauwi kay Teves posibleng abutin ng 40 araw – NBI

Pagpapauwi kay Teves posibleng abutin ng 40 araw – NBI

MANILA, Philippines – Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na aabutin ng pito hanggang 40 araw ang pagpapauwi sa napatalsik na si dating  Negros Oriental 3rd District Rep. at itinuring na terorista na si Arnolfo Teves Jr.

Sa isang panayam sa media, sinabi ni NBI director Medardo de Lemos na ito ang tiniyak ng mga opisyal ng hustisya ng Timor Leste sa Philippine contingent kasunod ng pagkakahuli kay Teves.

“Sabi nila they will terminate the proceedings within the period of seven days to 40 days maximum,” sabi ni de Lemos.

Gayunman, nilinaw ni de Lemos na ang mga opisyal ng Timor Leste ay nasa proseso pa rin ng pagtukoy sa mga merito ng red notice na inilabas laban kay Teves, pagkatapos nito ay sila na ang magdedesisyon kung anong mga aksyon ang gagawin.

“Noong nandoon kami, nagsimula na sila. And another proceeding was held when we left,” ayon pa kay de Lemos.

Samantala, inilarawan ni de Lemos si Teves na nasa maayos na kalusugan nang mahuli siya noong Huwebes ng mga law enforcers  ng Timor Leste na nagpatupad ng Interpol red notice.

Kusang-loob din aniyang nakipag-usap si Teves sa NBI contingent, kabilang ang pagpayag na kunan siya ng litrato.

Idinagdag ni de Lemos na namagitan ang defense team ni Teves para igiit ang kanyang kahilingan para sa political asylum para hadlangan ang kanyang paglipat pabalik sa Pilipinas.

Inaresto si Teves sa Top Golf Driving Range and Bar sa Dili, Timor-Leste alas-4 ng hapon noong Huwebes.

Si Teves ay nahaharap sa maraming kaso kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 2023, at tatlo pa noong 2019.

Nasa ilalim siya ngayon ng kustodiya ng pulisya ng Timorese, habang ang kanyang extradition sa Pilipinas ay ginagawa ng National Central Bureau (NCB) ng Dili, sa pakikipag-ugnayan sa koponan mula sa NCB-Manila at Dili-Timor Leste Philippine Embassy. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleSeguridad sa Cubao terminals sinuri; random drug test ikinasa
Next articleDICT sa publiko: Pag-post ng ‘at the moment’ photos sa socmed iwasan vs kawatan