Home HOME BANNER STORY Pagpasa ng Maritime Zones Law, ikinagalak ni Sen. Tolentino

Pagpasa ng Maritime Zones Law, ikinagalak ni Sen. Tolentino

MANILA, Philippines- Pasado sa bicameral review ang Maritime Zones Bill na tumutukoy, naglalarawan, at nagtatatag ng teritorial waters at continental shelf sa kapuluan ng Pilipinas.

Ayon kay Sen. Francis “Tol” Tolentino, pangunahing may-akda ng panukalang batas, pinagtibay ng House of Representatives (HOR) ang bersyon ng Senado na may pag-amyenda sa probisyon ng reciprocity.

Sinabi ni Tolentino na ang bicameral version ng panukalang batas ay ipinakalat sa mga miyembro ng HOR para lagdaan at pinirmahan na ng chairman ng House Panel ang ulat.

Sinabi ng mambabatas na ang bicameral report ay kailangang pagtibayin ng parehong Kapulungan ng Kongreso.

“Then, the bill will be enrolled and transmitted to the President for signature. It becomes a law once signed by the President or upon the lapse of 30 days from transmittal (date of receipt by the office of the President) to the President,” ani Tolentino.

Aniya, ang Maritime Zones Bill ay sumusunod sa 1987 Constitution at international law, partikular sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Sa panukalang batas na pumasa sa bicameral review, sinabi ni Tolentino na ang mga maritime zone ng Pilipinas ay binubuo ng internal waters, archipelagic waters, territorial sea, contiguous zone, Exclusive Economic Zone (EEZ), at continental shelf.

Idinagdag niya na ang lahat ng iba pang mga teritoryo kung saan ang Pilipinas ay may soberanya o hurisdiksyon ay mayroon ding kani-kanilang maritime zone.

“Once the bill becomes the Maritime Zones Act after the President signed it into law, the Philippines shall exercise all other maritime rights and jurisdictions per UNCLOS, the 2016 South China Sea arbitral award, international law, and other pertinent laws and regulations of the Philippines,” sabi ni Tolentino.

Ibinunyag niya na kasama ang penal sanctions sa mga probisyon na magiging batayan ng parusang ipapataw ng Pilipinas sa mga entity na lalabag sa Maritime Zones Act.

Ang Seksyon 16 ng inaprubahang bicameral version ay nagsasaad na ang anumang paglabag sa mga karapatan ng Pilipinas na itinatadhana sa ilalim ng batas na ito ay dapat tugunan at parusahan sa pamamagitan ng mga nauugnay na umiiral na batas at regulasyon.

Ang anumang paglabag ay sasailalim sa administratibong multa na hindi bababa sa 600 libong US dollars (US$600,000.00) ngunit hindi hihigit sa isang milyong US dollars (US$1,000,000.00) o katumbas sa pera ng Pilipinas.

Sinabi ni Tolentino na overdue na ang Maritime Zones Act ngunit naging mas agaran ngayon, lalo’t patuloy na inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, kabilang ang West Philippine Sea (WPS), kasama ang nine-dash line nito at kamakailan ang 10- dash line na pinawalang-saysay ng arbitral decision ng United Nations.

Aniya, sa pamamagitan ng Maritime Zones Act, ang pag-angkin ng Pilipinas sa WPS ay lalakas at mapapahusay dahil ito ang nagtatatag ng lawak at limitasyon ng mga teritoryong katubigan nito na ipinahayag bilang batas. RNT

Previous articleKDLex, ‘inagaw’ na ang korona sa DonBelle!
Next articleWanted na lider ng gang, kasamahan nasakote