MANILA, Philippines- Mariing itinanggi ng naarestong ama ang pagpatay matapos bugbugin ang kanyang pitong taong gulang na anak na babae sa Tondo, Maynila kamakailan.
Inaresto ang suspek na si Carlo Danni Lloren, 32, ng mga tauhan ng MPD Don Bosco Police Community Precinct (PCP) noong Huwebes ng gabi, sa Tondo.
Ayon sa MPD, naaresto ang suspek dahil lamang sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Law na may kaugnayan sa Omnibus Election Code matapos siyang makitaan ng kalibre .38 revolver habang naglalakad sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat, natuklasan na wanted pala siya sa pambubogbog sa kanyang anak na nasawi noong Agosto 26.
Ngunit ang lahat ng paratang laban sa kanya ay pinabulaanan niya.
Ayon sa suspek, pinalo lamang niya ang anak at hindi binugbog o sinakal.
Itinanggi rin ng suspek ang naunang ulat na inihayag ng kanyang biyenan na nagalit ito sa anak dahil na napakilaamang pera nang utusan niyang bumili ang anak sa tindahan.
Sinabi ng suspek na natulog ito nang umuwi mula sa trabaho nang maalimpungatan dahil sa ingay nilang magkapatid kaya nagawa niyang paluin.
Aniya, may matagal nang iniindang sakit sa kidney at tiyan ang kanyang anak na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Gayunman, sinabi ng MPD na sa resulta ng autopsy na isinagawa sa labi ng bata ay lumabas na namatay ito sa respiratory failure at physical injuries. Jocelyn Tabangcura-Domenden