Home NATIONWIDE Pagpayag sa mga residente na bumalik sa no-build zones itinanggi ng Davao...

Pagpayag sa mga residente na bumalik sa no-build zones itinanggi ng Davao de Oro vice gov

MANILA, Philippines – Itinanggi ni Davao de Oro Vice Gov. Jayvee Tyron Uy na pinayagan niya ang mga residente na bumalik sa no-build zones sa probinsya, partikular na sa landslide-hit area na Barangay Masara sa Maco.

Inilabas ni Uy ang paglilinaw kasunod ng naging pahayag ni Gov. Dorothy Gonzaga na naninirahan na sa lugar ang mga residente bago pa siya nahalal. Si Uy ay gobernador ng probinsya mula 2016 hanggang 2022.

Mula nang maupo sa opisina noong 2022, sinabi ni Gonzaga na palagi niyang ipinapaalala sa mga alkalde at concerned agencies na palagiang imonitor ang high-risk areas dahil sa serye ng mga lindol.

Idinagdag din ng gobernador na naging prayoridad ng kanyang administrasyon na maghanap ng relocation sites para sa mga komunidad sa high-risk areas.

Itinanggi ng bise gobernador ang pahayag ng gobernador, sa pagsasabing hindi niya ipinag-utos ang pagbalik ng mga residente sa Masara.

Kamakailan ay sinabi ng Mines and Geosciences Bureau-Davao na idineklara bilang no-build zone ang Masara kasunod ng landslide noong 2008 na kumitil sa 24 katao.

Ani Uy, ang mga residente ay inilipat sa Barangay Kinuban sa Maco kasunod ng landslide noong 2008.

Maging ang ama na si Arturo, na gobernador mula 2010 hanggang 2016, ay hindi rin umano nag-utos sa pagbalik ng mga residente.

“We cannot blame the residents who insisted to return because their livelihood depends on the mining operations in the area,” ayon sa bise gobernador.

Posibleng naging kumpiyansa na ang mga residente at opisyal ng lokal na pamahalaan sa paninirahan sa lugar dahil matagal na walang naganap na landslide sa lugar.

Bukod sa Masara, maraming lugar sa probinsya ang idineklara ring geohazards dahil sa posibilidad ng landslide, ayon sa MGB. RNT/JGC

Previous articleBong Go umayuda sa mga biktima ng landslide sa Davao de Oro
Next articleRadio DJ patay sa mass shooting sa Super Bowl parade