Home NATIONWIDE Pagpiyansa ng ilang akusado sa pork barrel scam kinatigan ng SC

Pagpiyansa ng ilang akusado sa pork barrel scam kinatigan ng SC

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court ang ipinagkaloob na bail ng Sandiganbayan kay Masbate 3rd District representative Rizalina Seachon-Lanete at sa negosyanteng si Janet Lim Napoles na kapwa nahaharap sa kasong plunder bunsod ng pork barrel scam.

Sinang-ayunan ng Mataas na Hukuman ang resolusyon ng Sandiganbayan Fourth Division na aprubahan ang applications for bail nina Lanete at Napoles na may petsang Abril 12, 2016 at Pebrero 13, 2017.

Ibinasura ng SC ang petisyon ng Office of the Special Prosecutor (OSP) ng Ombudsman na mabaligtad ang resolusyon ng anti-graft court.

Inihayag ng SC na hindi nakagawa ng grave abuse of discretion ang Sandiganbayan Fourth Division ng payagan nito na pansamantalang makalaya sina Lanete at Napoles.

Ayon sa Korte, nabigo ang OSP na magprisinta ng ebidensya na umabot sa ₱50 milyon ang ill-gotten wealth ng mga akusado na isang mahalagang elemento sa kasong plunder.

Nilinaw naman ng SC na ang kanilang ruling ay tungkol lamang sa akusasyon na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang bail hearing ng Sandiganbayan.

Ayon sa Korte, maaari pang magprisinta ang OSP ng mga ebidensya para suportahan ang isinampang plunder case laban kina Lanete at Napoles. Teresa Tavares

Previous articleGuro na nanermon ng mga estudyante, ‘di kakastiguhin ni VP Sara
Next articleDOE: Makiisa sa Earth Hour 2024