Home NATIONWIDE Pagproseso sa fund claim sa Mindoro oil spill, sisimulan na

Pagproseso sa fund claim sa Mindoro oil spill, sisimulan na

MANILA, Philippines – Sisimulan na ng Inter Agency Task Force on Mindoro oil spill ang proseso para makakolekta ng kompensasyon mula sa International Oil Pollution Compensation (IOPC) Fund kaugnay ng nangyaring oil spill sa Naujan, Oriental Mindoro.

Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, isa sa mga opisyal ng Task Force, aabot sa mahigit sa USD280 milyon ang maaaring makuhang kompensasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at local government unit na kumilos para matugunan ang problema ng oil spill kasama na ang mga LGU na mayroong mga residente na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa nangyaring pagkalat ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress.

Dagdag pa ni Vasquez, kailangan magsagawa ng proper documentation ang mga LGU na naapektuhan ng oil spill at tamang assessment sa naging pinsala ng pagkalat ng langis sa mga lalawigan ng Mindoro, Palawan at Antique.

Sa mga susunod na araw, magpupunta ang mga opisyal ng Task Force sa mga lugar na naapektuhan ng oil spill para bigyan sila ng gabay paano ang gagawin na documentation para sa pagkuha ng claims.

Umaasa si Vasquez na sa darating na Enero ay masisimulan na ang pag-claim sa IOPC fund. Teresa Tavares

Previous articleKauna-unahang overseas job fair idinaos ng QC gov’t, DMW
Next articleProteksyon sa online shoppers, sellers, tiniyak ni Villar