KABILANG ang inyong Agarang Serbisyo Lady sa mga nagpapahatid ng pagbati at paghanga sa matapat na security guard na si Albert Bautista ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos nitong isauli sa may-ari ang isang luggage na nagtataglay ng P1.4 million cash.
Matapos makitang naiwan ang nasabing bagahe ay kaagad niyang hinanap kung sino ang may-ari nito ngunit walang nagpakilala kaya isinurender niya ito sa lost and found section ng paliparan at napag-alaman na ito ay pagmamay-ari ni Basilan Mayor Hanie Bud.
Sa kanyang sariling FB account ay ipinarating ni Mayor Bud ang kanyang pasasalamat kay Bautista.
Pinagkalooban din ito ng certificate of commendation ng NAIA management. Dapat maging ng Department of Transportation at ng Department of Tourism ay kilalanin ang kagandahang-asal na kanyang isinabuhay.
Hindi lamang pala ito ang unang beses na nagsauli ng gamit itong si SG Bautista, marami na siyang nawala o naiwang gamit na sa NAIA na kanyang ibinabalik kaagad. Mukhang nasa dugo niya ang katapatan. Binabati ko ang kanyang pamilya sa pagpapalaki sa kanya.
Kaya dapat bilang tamang sukli o reward sa ginawa ni SG Bautista, ayusin ang hanay ng mga security guards natin sa bansa sa pamamagitan ng pagseseguro na tamang mga benepisyo ang kanilang tinatanggap.
SG Bautista, ang aking pagsaludo sa iyong katapatan!
MAKAREREKOBER PA ANG PALAY, ATAKIHIN MAN ITO NG PESTE
Atakihin man ng peste sa unang tatlumpong araw kung lipat-tanim o 40 araw kung sabog-tanim ang palay ay tiyak na makarerekober pa ito.
Kaya naman payo ng mga eksperto sa mga magsasaka na huwag nang mangamba. Tiyak na makarerekober at magpapalit-dahon pa ang palay.
Dagdag gastos lang pag-iisprey ng lason at maaari pang ikamatay ng mga kaibigang organismo ang bara-barang pag-iisprey. Ang mga kaibigang organismo tulad ng tutubi, gagamba, lady beetle, at iba pa ang siya namang kumakain ng mga peste sa palayan.
Para maparami ang mga kaibigang organismo, ipinapayong magtanim ng mga halaman tulad ng biden, butter daisy, at gulay sa palibot ng palayan nang may masilungan at lalo pang dumami ang mga kaibigang organismo.
Dagdag pa ng mga eksperto na ang pag-iisprey ng lason ay isinasagawa lamang kapag lubhang kailangan at nasubukan na ang lahat ng kultural na pamamaraan.
Para sa karagdagang impormasyon sa pagpapalayan, mag-text o tumawag sa PhilRice Text Center bilang 0917 111 7423.