MANILA, Philippines- Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Martes na itinutulak ng Department of Health (DOH) ang pagsasalegal sa paggamit ng marijuana o cannabis para sa medical purposes.
Muling pinatunayan ni Herbosa ang kanyang suporta para sa legalisasyon ng medikal na marijuana at mga produkto nito sa harap ng Commission on Appointments (CA) Committee on Health, habang ang kanyang appointment bilang Health secretary ay kasalukuyang sinusuri.
“We will pursue this and make sure that medical marijuana law will be passed,” sabi ni Herbosa.
Ayon sa kanya, ang pag-import ng medical cannabis sa bansa ay mahirap sa kabila ng pagkakaroon ng compassionate use permit dahil hihiling pa ang doktor ng paperwork mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Ikinatuwa ni Representative Luis Raymund “Lray” Villafuerte Jr. ang paninindigan ni Herbosa sa usapin, na idiniin na nakakapagod ang pag-apply para sa compassionate permit sa Pilipinas at ang pag-angkat nito ay nagkakahalaga ng malaking pera.
Ipinunto rin niya na legal sa mahigit 60 bansa ang medical cannabis na umapela rin kay Herbosa upang pag-aralan at itulak ito.
Nauna nang sinabi ni Herbosa na hindi siya pabor sa pagtatanim at pag-manufacture ng marijuana sa bansa.
Sinabi ni Herbosa na ang medical cannabis ay magiging kapaki-pakinabang sa mga nagdurusa mula sa cancer, glaucoma, at seizure disorder, bukod sa iba pa. Jocelyn Tabangcura-Domenden