Home NATIONWIDE Pagsasabatas sa ‘Free College Entrance Exam’ ikinatuwa ni Revilla

Pagsasabatas sa ‘Free College Entrance Exam’ ikinatuwa ni Revilla

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Senador Ramon Bong Revilla Jr matapos na maging ganap na batas ang panukalang kanyang isinulong sa Senado ang naglalayong gawing libre sa bayad para sa college entrance examination ng mga pribadong higher educational institutions (HEIs) ang mga kuwalipikadong estudyante.

Ito ay naging ganap na batas matapos mag-“lapse into law” ang nasabing panukala.

Ang Republic Act No. 12006 o tinatawag ding ‘Free College Entrance Examination Act’ ay naglalayong pagaanin ang pagkakataon para maabot ang quality tertiary education ng mga kapos-palad ngunit matatalinong mga mag-aaral at hindi na sila sisingilin sa entrance examination fees at charges para sa college admission.

Sa ilalim ng naturang batas ni Revilla, lahat ng private HEIs ay inaatasang huwag nang singilin ng naturang fees at charges na ipinatutuppad sa graduates at graduating student na nag-aaplay para sa college admission basta’t kuwalipikado lamang.

Upang mapakinabangan ang naturang batas—dapat ay natural-born Filipino citizen; mula sa top 10% ng graduating class; mula sa pamilya na kahit pagsama-samahin ang kita ay hindi angat sa poverty threshold o walang kakayahang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan;

mag-aplay sa college entrance examination ng pribadong HEI sa bansa; at tiyaking kumpleto ang iba pang requirements ng mga pribadong HEI.

Samantala namahagi naman ng tulong si Senador Revilla sa pamamagitan ng AICS program sa Maragondon Town Plaza sa lalawigan ng Cavite.

Mahigit sa 3,000 benepisyaryo ang nabigyan ng tulong ni Revilla at ng DSWD na kinabibilangan ng mga senior citizens, TODA at PWDS ng Munisipalidad ng Maragondon. RNT