
KUNG magkakatotoo lahat ang pananaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ukol sa panahon, tuloy-tuloy ang pag-ulan mula sa araw na ito hanggang Biyernes.
Sa buong bansa ito, mga Bro.
Mula sa araw na ito hanggang Miyerkules, magkakaroon ng mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa buong bansa lalo’t may namumuong sama ng panahon na lumalapit sa Kabisayaan at Kamindanawan.
Mula Huwebes hanggang Biyernes naman, magiging maulap ang buong kanlurang bahagi ng Luzon na may kasamang mga pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
May mga pag-ulan na may kasama ring mga pagkulog at pagkidlat sa iba pang bahagi ng bansa.
INUMING TUBIG
Nang dumating ang bagyong Dodong ngunit nakaalis na kamakalawa ng hapon o Sabado sa Philippine Area of Responsibility, bahagyang napunan ang lahat ng dam sa Luzon.
Ngunit sinasabi ng mga awtoridad na bahagya lamang na napunan ng tubig ang lahat ng dam sa Luzon.
Kabilang dito ang Angat dam, Ipo dam at Lamesa dam na pinagkukunan ng Metro Manila, Rizal at Cavite o Mega Manila ng 90 porsyentong inuming tubig.
Ang Angat dam, nagbibigay rin ng tubig sa mga sakahan sa Bulacan.
Kulang pa sa dapat na taas ng tubig ang mga dam na ito para sa walang patid na suplay ng tubig sa nasa 20 milyong mamamayan sa Mega Manila.
Kaya naririyan pa rin ang abiso sa lahat sa nasabing lugar na magtipid at gumamit nang wasto ng tubig.
Lalo’t bagaman tag-ulan, umiiral naman ang El Nino na tiyak na sisingit-singit sa tag-ulan ngayon.
Hanggang Marso 2024 umano ang pag-iral ng El Nino.
Kaya naman, malayong pananaw sa panahon ukol sa suplay ng tubig ang pinag-uusapan dito.
In short, mga Bro, marami tayong tubig ngayong tag-ulan na tiyak na may kasama pang mga bagyo ngunit paano kung iiral na nang husto ang El Nino?
Sa El Nino, bukod sa bunga nitong pag-iinit ng buong bansa, pinabibilis nitong maubos ang mga suplay ng tubig sa mga dam.
GRASYA SA MGA MAGSASAKA
Sa buong bansa, kitang-kita ang pagsisipag ng mga magpapalay na bungkalin at tamnan ang mga lupaing sakahan.
Sa Oktubre-Nobyembre, makaaasa tayo na aani sila ng kanilang mga tanim at makatitiyak tayo ng malaking bulto ng suplay ng bigas.
Tubig ang pangunahing sangkap sa pagpapalay at sa buong panahon ng tag-ulan, buhay na buhay ang mga palay hanggang sa anihan.
Ang masaklap lang, eh, kung darating ang mga bagyo na magdudulot ng matitinding pagbaha at malunod at masira ang mga palay.
Pinadadapa rin sa putik ng malalakas na hangin ng mga bagyo.
Sa ganitong mga sitwasyon, sa dasal na lang umaasa ang mga magsasaka na hindi sila masiraan ng pananim at dapat natin silang samahan sa pagdarasal.