Home OPINION PAGSASALIGAL SA MOTORCYCLE TAXI AT MGA ‘KAMOTE’

PAGSASALIGAL SA MOTORCYCLE TAXI AT MGA ‘KAMOTE’

KASALUKUYANG tinatalakay ng Kongreso ang panukala na gawing ligal ang mga motorcycle taxi sa Pilipinas, gaya nang isinusulong ng House Bill 3412.

Bagamat ang pilot operation ng mga motorcycle taxi na tulad ng Angkas, halimbawa, ay naging pangkaraniwan at marami nang tumatangkilik, ang pagsasabatas nito ay nangangailangan nang maingat na pagbusisi.

Obvious naman na magkaiba ang pagsakay sa motorsiklo at pagsakay sa bisikleta. Maaaring parehong kinakailangan ang kakayahang magbalanse, pero ang kahihinatnan ng aksidenteng posibleng sapitin sa mga ito ay literal na buwis-buhay ang kaibahan.

Kaya naman kadeba-debate ang mismong usapin sa pagpapasa sa isang panukalang magbabago sa batas na nakagisnan na natin, o iyong nagbabawal na gamitin bilang pampublikong sasakyan ang may dadalawang gulong.

Iginigiit ng mga nagsusulong ng panukala na makatutulong daw ito sa pagbibiyahe at magbibigay pa ng oportunidad para kumita, at wala siyempreng magkakait ng mga benepisyong ito sa sinoman.

Pero hindi rin naman maipagkakaila na may kaakibat na panganib sa kaligtasan laban sa aksidente ang pagsasaligal sa motorcycle taxi.

Kapuna-punang hindi nabanggit ang puntong ito sa konteksto sa panawagan ni Speaker Martin Romualdez nitong weekend sa kanyang Kapulungan para gawing prayoridad ang pagpapasa ng nasabing panukala.

May pahiwatig pa nga nitong Martes ang may-akda ng HB 3412, si Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, na nais daw ng administrasyon na maipasa ang panukala bago ilahad ni President Bongbong Marcos ang kanyang State of the Nation Address sa kalagitnaan ng taong ito.

Hindi ba parang nakatatawa o kakatwa na isang linggo pa lang ang nakalipas nang ianunsiyo ng Presidente na nakikipag-ugnayan ang gobyerno sa Grab Holdings Ltd., na nakabase sa Singapore, kaugnay sa hiling ng kumpanya na mapaluwag ang mga regulasyon ng bansa sa  ride-hailing services upang lehitimong makapamasada sa lansangan ang mga motorcycle taxi?

Sa isang pahayag, kinumpirma ng Malacañang na nagla-lobby ng suporta ang mga opisyal ng Grab nang makipag-usap sa Pangulo, target na paramihin sa 500,000 ang pasahero nito sa Pilipinas araw-araw mula sa kasalukuyang 300,000 kada araw.

Sa kanilang pananaw, walang dudang pabor ito para sa kanilang negosyo. Pero kung pakaiisipin sa punto ng kaligtasan at katinuan, isa itong walang katiyakang laro kung saan ang buhay ng mga pasahero ang nakapain sa alanganin.

Pupwede ko naman sigurong hiramin ang ilang punto ng argumento sa satirical skit na itinanghal ng komedyanteng si Michael V. at nag-viral kamakailan.

Ang skit ay may gameshow format, kung saan paglalaban-labanan ang “Golden Kamote Trophy,” pabirong tinutukoy ang walang ingat na pagmamaniobra at ang talamak na entitled mentality ng ilan, kundi man karamihan ng mga Pinoy motorcycle rider, na binansagang “Kamote riders.”

Karaniwang prayoridad ng mga rider na ito ay kung ano lang ang kumbinyente para sa kanila sa halip na ang kaligtasan sa lansangan at mga regulasyon sa trapiko, kung pagbabasehan ang kawalan nila ng pakundangan sa espasyo para sa pedestrians, delikadong pag-o-overtake, at confrontational behavior sa iba pang mga motorista.

Sa panlilibak sa mga ganitong galawan, nagbigay-linaw si Michael V sa nakababahalang reyalidad na palalalain lamang ng pagsasaligal sa motorcycle taxi ang matagal nang pagkabahala sa kaligtasan sa lansangan.

Maaaring nakapag-aalok ng statistical reassurances ang pilot study ng Department of Transportation, pero hindi nito mapipigilan ang mga nakaambang panganib na kaakibat ng pagsasama sa motorsiklo sa hilera ng mga mapagpipiliang pampublikong transportasyon.

                                          *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

Previous articleKOALISYON LABAN SA CHA-CHA
Next articleVAPENDEMIC IS REAL