MANILA, Philippines- Pasado na ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang panukalang pagbibigay ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng technical-vocational education and training (TVET) at livelihood programs para sa mga drug dependents na sumailalim na sa drug rehabilitation.
Layon ng House Bill (HB) 7721 na matulungan ang dating drug dependents na makahanap ng trabaho at makapagbagong-buhay matapos ang kanilang pagkalulong sa masamang bisyo.
“Many of our citizens who have fallen victim to illegal drugs and have successfully undergone rehabilitation find it very difficult to reintegrate into society as productive citizens not only because of the stigma but also due to the lack of skills needed to land a job,” paliwanag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Sa ilalim ng panukala ay bibigyang mandato ang TESDA Director General na isama sa programa ng ahensya ang pagpapatupad ng TVET at livelihood programs na nakadisensyo para sa dating drug dependents.
Inaatasan din ang TESDA kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan ng “competitive at employable skills” ang mga dating nalulong sa ipinagbabawal na gamot upang magkaroon ng oportunidad na makakuha ng trabaho.
Sa oras na maisabatas ay bibigyan din ng insentibo ang mga kumpanya na kukuha sa mga dating drug dependents subalit sumailalim na sa rehabilitasyon bilang kanilang empleyado. Gail Mendoza