MAY mga nagmungkahi na ang solusyon daw sa pangit na serbisyo ng Ninoy Aquino International Airport para magkaroon ng ginhawa ang mga pasahero ay ang pagsasapribado nito.
Ilang aberya na ang nangyari sa NAIA at sa halip na magkaroon ng masusing imbestigasyon sa nasabing paliparan dahil sa mga insidente, nagmungkahi ang ilang mga nakaupong transport officials na mas mainam na i-privatize na ang operasyon ng pambansang paliparan.
Marami tuloy ang nagtatanong kung wala na bang ibang solusyong naisip ang mga nasa posisyon sa Department of Tramsportation kundi ang privatization?
Ito nga ba ang sagot sa pinagdaraanang hirap ng mga mananakay sa NAIA?
Hindi naman kaya isang malaking negosyo para sa mga higanteng kompanya at dambuhalang negosyante?
Teka nga, makapagtanong lang. Bakit ba pinapasa sa pribado ang ilang serbisyo na dapat ang pamahalaan ang gumanap? Posible bang ang dahilan ay ang mga sumusunod?
- Reduce financial burden to government due to losses and inefficiency.
2.Reduce government involvement in economic activities.
- Promote government efficiency.
- Raise funds for the government.
Aba naman, hindi naman pala basta maganda ang hangarin ng pagsasa-pribado ng mga pag-aari ng pamahalaan.
Pero hintay lang. Teka muna ulit. Suriin nating mabuti dahil tiyak na may mga negatibong epekto rin ang pagsasapribado.
Una na sa negatibong epekto nang pagsasapribado ay ang bribery o graft and corruption, profits-first-before-public-service, higher cost of public service, at iba pa.
Ah, yun naman pala. Katiwalian pa rin pala ang una-unang dahilan kaya nais na isapribado ang NAIA.
Isang halimbawa natin ang EDSA Carousel na nais ding isapribado.
Sa ngayon private operators ang nagpapatakbo ng mga bus sa EDSA. Kung ipapasa sa isang negosyante ang pagpapatakbo nito ay makasisiguro ba na walang taas pasahe?
Mapapagaan ba ang kapakanan ng mga mananakay?
Sino ang mag-o-operate? Wala bang magiging korapsyon dito. Alam naman natin na gabalahibo lang ang pagkakaiba ng negosyo sa gobyerno at katiwalian.
Sa airport, imbes na imbestigahan ay pagsasa-pribado ang bukambibig ng DOTr bilang solusyon. Bago magmungkahi ng pagsasapribado sagutin muna ng DOTr ang ilang katanungan – Di ba’t may pinagmalaki ang CAAP noon na new communication navigation surveillance/air traffic management system na operational daw noongg June 2017? Sa EDSA carousel naman – ano bang nangyari sa billion budget para na improvement ng EDSA?
Hindi masama ang privatization pero hindi ito ang dapat na unang solusyon sa problema sa transport problems. ‘Yan na lang ba ang kayang marating ng mga isipan ng nasa DOTr?
Pakurot nga sa mga taga-DOTr. Bakit hindi n’yo muna pag-aralang mabuti ang balak na pagsasapribado sa NAIA? Magagamit ba ng tama ang bilyon-bilyong pera sa pagsasaayos ng pangunahing paliparan sa Pilipinas? Baka naman mauwi lang sa wala o sa bulsa ng mga timawa?