Home NATIONWIDE Pagsugpo sa illegal trade, pinauuna ni Gatchalian kaysa bagong buwis

Pagsugpo sa illegal trade, pinauuna ni Gatchalian kaysa bagong buwis

205
0

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian sa economic team ng administrasyon na sugpuin muna ang lumalalang illegal trade sa bansa tulad ng sigarilyo at smuggling ng agricultural products bago magpataw ng bagong buwis.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na dapat tugunan ng pamahalaan ang problema sa bawal na pangangalakal upang makakolekta ng mas maraming buwis ang gobyerno at madagdagan ang kita sa kabila ng mahigpit na pagba-budget.

“Kailangan ng gobyerno na makabuo ng planong tutugon sa bawal na pangangalakal,” sabi ni Gatchalian sa economic team ng executive department sa nakaraang briefing ng Development Budget Coordination Committee sa Senado ukol sa 2024 national budget.

Sa kaso ng industriya ng tabako, halimbawa, ang Euromonitor data na galing sa Philip Morris ay nagpapakita na ang mga ibinentang sigarilyo mula sa illicit trade o ipinagbabawal na kalakalan ay tumaas mula 10.8% noong 2018 hanggang 16.7% noong 2022. Inaasahang tataas pa ang bilang na ito ngayong taon sa 18.5% na katumbas ng P30 bilyon.

Nauna nang idiniin ni Gatchalian na sa halip na magpataw ng mga bagong buwis, kailangang pagbutihin muna ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) ang tax administration dahil hindi magandang senyales ito para sa tumutupad sa kanilang obligasyon sa gobyerno.

“Kapag nagtaas tayo ng buwis at hindi naman maayos ang pangongolekta ng buwis, parang pinaparusahan na rin natin ang mga nagbabayad ng buwis. Kailangan nating tugunan ang ipinagbabawal na kalakalan o napakahirap na bigyang katwiran ang mga bagong buwis dahil may mga taong kumikita ng bilyun-bilyon kada taon dahil lang sa ipinagbabawal na kalakalan,” sabi ni Gatchalian.

“Kung magtataas ka ng buwis, magiging lubhang kaakit-akit para sa mga gumagawa ng ipinagbabawal na pangangalakal na pumasok sa ganitong uri ng negosyo dahil napakataas ng kita. Paano natin matutugunan ang ipinagbabawal na kalakalan? Anong uri ng pagpapatupad ang ginagawa natin para masugpo ang ipinagbabawal na kalakal ng iba’t ibang produkto na pinapatawan natin ng buwis?” tanong ng senador sa economic team.

Binigyang-diin din niya na bagama’t lubos niyang sinusuportahan ang layunin ng pagtaas ng koleksyon ng kita, ang gobyerno ay dapat magpatibay ng mga mekanismo na magbabawas, kung hindi man tuluyang hihinto, sa ipinagbabawal na kalakalan.

Iminungkahi ni Gatchalian na dapat kunin ng mga collecting agencies ang suporta ng iba’t ibang local government units (LGUS) sa pagsasagawa ng kampanya laban sa kalakalang ipinagbabawal ng pamahalaan.

“Bakit hindi tayo humingi ng tulong sa mga LGU? Alam nila ang bawat bodega sa kanilang nasasakupan. Maaari tayong maglagay ng reward system kung makakita sila ng bodegang ginagamit para sa ipinagbabawal na kalakalan,” dagdag niya. Ernie Reyes

Previous articlePaglagda ni PBBM sa Regional Specialty Centers Act, pinuri ni Sen. Go
Next articleP3.2M shabu nakumpiska sa Quezon

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here