Home NATIONWIDE Pagsuspinde sa PhilHealth premium hike suportado ni Bong Go

Pagsuspinde sa PhilHealth premium hike suportado ni Bong Go

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagsuporta si Senador Christopher “Bong” Go sa panukalang isuspinde ang pagtaas ng premium ng PhilHealth ngayong 2024.

Nauna rito, hinimok ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. muling ikonsidera ang nakatakdang pagtaas ng premium.

Ayon kay Sen. Go, patuloy na nahihirapan ang maraming Pilipino sa pananalapi bunga na rin ng epekto ng pandemya ng COVID-19 at iba pang pandaigdigang krisis sa pambansang ekonomiya.

“Bagama’t lifted na ang State of Public Health Emergency dahil sa COVID-19 pandemic, hanggang ngayon ay ramdam pa ng mga kababayan natin ang epekto nito sa ating ekonomiya. Para sa kanila, ang bawat piso ay mahalaga. Pambili pa nila ito ng bigas at ulam,” ayon sa senador.

Anang mambabatas, marami pa rin tayong mga kababayan na nahihirapan sa kanilang hanap-buhay kaya huwag na aniyang dagdagan pa ang bigat na kanilang dinadala.

Binigyang-diin din ni Go, na chairperson ng Senate committee on health and demography, na dapat tiyakin ng PhilHealth na maihahatid ang kanilang mga serbisyo kahit walang pagtaas ng premium habang tinutugunan ang mga sistematikong problema sa organisasyon.

“Sabi ng DOH, sapat pa naman ang pondo ng PhilHealth para patuloy na makapagbigay ng maayos na serbisyo sa mga miyembro nito,” ani Go.

Sa halip, nanawagan si Go sa pamunuan ng PhilHealth na tuluyang sugpuin ang mga anomalya sa ahensya at pagbutihin ang serbisyo nito sa pagtiyak na bawat piso sa pondo ng taumbayan ay nagagamit para sa mga Pilipino.

Noong kasagsagan ng pandemya, matatandaang nanawagan din si Go na ipagpaliban ang pagtaas ng premium ng PhilHealth at hinimok ang pamahalaan na unahing balikatin ang kinakailangang pondo para maipatupad ang Universal Health Care Law.

Ang mungkahing suspensiyon sa PhilHealth premium hike ay nasa kamay ni Pangulong Marcos, kasunod ng rekomendasyon ni Herbosa na nagsabing ang PhilHealth ay financially stable para magpatuloy sa pagbibigay ng mga benepisyo nang hindi nangangailangan ng agarang rate hikes. RNT

Previous articleTolentino: Less restrictive exploration sa WPS, magbababa sa presyo ng basic commodities
Next articleKasalang bayan sa ‘Araw ng mga Puso’ pasisinayaan sa Maynila