Home NATIONWIDE Pagsuspinde sa premium hike ng PhilHealth suportado ni Bong Go

Pagsuspinde sa premium hike ng PhilHealth suportado ni Bong Go

117
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagsuporta si Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go, sa pagsuspinde sa pagtataas ng premium ng direct contributors ng Philippine Health Insurance Corp.

Gayunpaman, hiniling niya sa gobyerno na tiyaking hindi malalagay sa problema ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan na ibinibigay sa mga Pilipino.

Sa pagdinig ng Senate committee on health sa Universal Health Care Law at PhilHealth premium noong Miyerkules, sinabi ni Go na napakahalaga para sa karaniwang Pilipino ang bawat piso at ang kaligtasan ng kanilang pamilya lalo’t nasa gitna ng global at pambansang hamon sa ekonomiya ang bansa.

“Sa mga ordinaryong mamamayan na araw-araw nakikipagsapalaran, ano ba ang mas mahalaga sa kanila? Ang dagdag na kontribusyon o ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya?” sabi ni Go.

“Kaya naman po tayo, bilang mga representante ng mamamayang Pilipino, obligasyon po nating makinig sa kanilang hinaing, ang magmalakasakit sa kanila, at gawin ang lahat maibsan lang ang bigat na kanilang dinadala sa araw araw. In this time, every single peso counts,” idiniin ng senador.

Aniya, dahil sa epekto sa ekonomiya ng pandemya, makatuwiran lamang na suspindehin ang pagtaas ng premium.

“Nararapat lang na ipagpaliban po muna ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth para makatulong tayo sa pag-recover ng ating mga kababayan mula sa pandemya,” anang mambabatas.

Ikinalungkot din ni Go ang hirap na dinaranas ng overseas Filipino workers lalo na sa panahon ng pandemya.

“Karamihan po ng OFWs natin, umaasa ng dagdag na tulong mula sa gobyerno lalo na ‘yung mga nawalan ng trabaho o naapektuhan ang kanilang kabuhayan sa ibang bansa dahil sa pandemya,” ayon kay Go.

“In fact, namigay nga po ng tulong ‘yung DOLE sa mga panahon na yun. Hindi naman po tama na sa panahong walang-wala sila, doon pa natin sila sisisingilin ng dagdag na kontribusyon.”

Ginagarantiya ng Universal Health Care Law ang pantay na pag-access sa dekalidad at abot-kayang pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng Pilipinong miyembro ng PhilHealth.

Upang matiyak ang sapat na pagpopondo at mapanatili ang kakayahang pinansyal ng PhilHealth, iniaatas ng UHC ang iskedyul ng pagtataas ng premium contribution rates hanggang 2025.

Ngunit sinabi ni Go na sa kasagsagan ng pandemya, iniutos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa PhilHealth na ipagpaliban ang pagpapatupad nito.

Bago ito, umapela si Go sa government finance managers at sa mga kapwa mambabatas na isaalang-alang ang pagpapaliban para makagaan sa mga Pilipino na apektado ng krisis.

“Naalala ko po, noong mga 2020, pinagpaliban rin po ni dating Pangulong Duterte, twice… talagang maraming reklamo, maraming apektadong kababayan, mga OFW, mga nawalan ng trabaho, naghirap, umuwi,” aniya.

Samantala, sa kabila ng kanyang suporta sa pagsuspinde sa premium hike, hiniling ni Go sa mga kinauukulang ahensya na ipagpatuloy ang pagbibigay sa mga Pilipino ng maayos na pangangalagang nararapat sa kanila at patuloy na pahusayin ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila.

“Alam naman po natin na kasabay ng pagtaas ng premium, kailangan ding i-improve ang mga serbisyo,” sabi ni Go.

Nauna rito, matagumpay na itinulak ni Go ang isang espesyal na probisyon sa ilalim ng PhilHealth 2023 budget na nagsasaad ng paggamit sa P21-bilyong nauukol sa pagpapabuti ng benefits packages sa ilalim ng Universal Health Care Act.

Iminungkahi niya na ang badyet na ito ay dapat gamitin sa pagpapalawak ng libreng dialysis coverage, mental health outpatient coverage, komprehensibong outpatient benefit package, libreng medical check-up at iba pang pakete ng benepisyo.

Sinabi ni Go na inihain niya ang Senate Bill No. 190 na nag-uutos sa PhilHealth na sakupin ang lahat ng gastos sa dialysis treatments, sessions at procedures na ginawa sa PhilHealth-accredited health facilities.

“Napakahalaga sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya marami sa mga nais na panukalang batas na aking agad na inihain ay sa aspetong ito nakatutok,” idiniin ng senador. RNT

Previous articleMiddleman sa agri producers, kinalos na ni PBBM
Next articleBI nagkasa ng raid sa kanilang Custodial Facility