Home NATIONWIDE Pagsusulong sa diwa ng EDSA revolution, paiigtingin ng simbahan

Pagsusulong sa diwa ng EDSA revolution, paiigtingin ng simbahan

MANILA, Philippines – Nanawagan si Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace o Caritas Philippines sa taumbayan ng pagkakaisa sa ika-38 taong anibersaryo ng EDSA 1 upang maprotektahan ang Saligang Batas ng Pilipinas sa patuloy na pagtatangkang baguhin o amyendahan ang konstitusyon na bunga ng tinaguriang “bloodless revolution.”

Sinabi ng Obispo na napapanahon pa rin ang pagsasabuhay sa diwa ng EDSA People Power Revolution sa kasalukuyang panahon.

Binigyan-diin din ng Obispo na mahalaga ang patuloy na pagsasama-sama at paninindigan ng bawat mamamayan upang isulong ang pagbabago at ganap na pag-unlad sa bansa.

Sa halip na charter change at mag-aksaya ng pondo ng bayan, pinayuhan ng Caritas Philippines ang pamahalaan at kongreso na tutukan ang pagkakaloob ng kalidad na serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino na nahihirapan na sa epekto ng mataas na inflation, kawalan ng trabaho, mababang pasahod at mahal na bilihin.

Kabilang sa tinukoy ng Obispo na mas kinakailangang tutukan ng pamahalaan ang kahirapan ng mamamayan, kagutuman dulot ng El Niño at ang patuloy na katiwalian sa pamahalaan na maituturing na kanser ng lipunan.

Naninindigan naman si Novaliches Bishop-emeritus Antonio Tobias, vice-chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs na mahalaga ang patuloy na paggunita sa tinaguriang ‘bloodless revolution’ na naganap noong taong 1986 na tumapos sa mahigit 20-taong diktadurya ng rehimeng Marcos.

Tinukoy ni Bishop Tobias na marami pa ring mga usapin at suliraning panlipunan ang dapat na pagkaisahan ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon kabilang na ang soberanya ng bansa sa pinag-aagawang West Philippine Sea at ang patuloy na mga tangkang amyendahan ang Saligang Batas ng Pilipinas.

Tiniyak naman ni Rev. Fr. Jerome Secillano, rector ng Shrine of Mary, Queen Of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine ang patuloy na paninindigan ng Simbahan partikular na ng pamunuan ng dambana sa pagsusulong ng mga adbokasiya at diwa ng EDSA People Power Revolution.

Ayon sa Pari, makakaasa ang lahat sa pakikiisa ng pamunuan at pamayanan ng EDSA Shrine sa mga gawain ng paninindigan at pakikibaka para sa katotohanan at kabutihan ng bayan na diwa ng mapayapang rebolusyon na naganap 38-taon na ang nakakalipas.

Kaugnay sa paggunita ng ika-38 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, ika-23 ng Pebrero, 2024 ay isang photo exhibit ang inorganisa ng pamunuan ng EDSA Shrine sa San Lorenzo Ruis Chapel sa dambana tampok ang mga larawan at ilang memorabilia sa naganap na ‘bloodless revolution’ noong 1986.

Ika-24 naman ng Pebrero, 2024 ay magkakaloob ng free legal aid services ang dambana sa Serviam Hall ng EDSA Shrine habang isang Human Rights 101 Seminar din ang inorganisa ng dambana na mapapakinggan ng live sa himpilan ng Radio Veritas 846 kasunod ng VERITASAN sa EDSA Shrine kung saan tampok sa talakayan ang ilan sa mga personalidad na magbabahagi ng kanilang karanasan sa maituturing na madilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas noong panahon ng Batas Militar.

Inilunsad ng Radio Veritas 846 at Archdiocesan Shrine of Mary, The Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine ang “VERITASAN sa EDSA Shrine” noong ika-11 ng Pebrero, 2023 bilang paggunita sa ika-37 taong anibersaryo ng EDSA People Power Revolution na layuning magsilbing daan upang matalakay ang mga mahahalagang usaping panlipunan.

Ang Radio Veritas 846-Radyo ng Simbahan ay mayroong malaking bahagi sa EDSA 1 dahil dito nanawagan si nooy Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa mamamayang Pilipino na magtungo sa EDSA upang ipagtanggol ang kapayapaan.

Sa selebrasyon ng kapistahan ng Shrine of Mary,Queen of Peace, Our Lady of Edsa at ika-38 anibersaryo ng EDSA people power revolution 1, noong ika-21 ng Pebrero, pinangunahan ni Rev.Fr. Jerome Secillano, rector ng Our Lady of Edsa shrine ang welcome rites sa pagbisita ng Our Lady of Fatima image na ginamit noon sa rebolusyon.

Noong a-uno ng Pebrero 2024, pinangunahan naman ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang blessings sa adoration chapel ng Shrine of Mary Queen of Peace. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleMaja, aminadong sinasaltik!
Next articlePANANAHIMIK SA KAAPIHAN NG KABABAIHAN, TINULIGSA NI POPE FRANCIS