Home OPINION PAGTAAS NG KONTRIBUSYON NG PAG-IBIG  PAKIKINABANGAN NG MGA MIYEMBRO NITO

PAGTAAS NG KONTRIBUSYON NG PAG-IBIG  PAKIKINABANGAN NG MGA MIYEMBRO NITO

ANG milyon-milyong miyembro ng Pag-IBIG Fund ay magtatamasa ng mas mataas na mga benepisyo mula sa ipon hanggang sa cash loan at home loan dahil sa plano ng ahensiyang itaas ang halos apat na dekadang mandatory monthly savings para sa mga miyembro at kanilang mga employer simula Pebrero 2024.

Ayon kay Pag-IBIG Fund chief executive officer Marilene Acosta ay matagal nang kinikilala ng ahensiya ang pangangailangan ng mga miyembro na magkaroon ng mas mataas na ipon na magbibigay sa kanila ng marangal at makatarungang kita pagdating ng kanilang pagreretiro, pati na rin ang mas mataas na cash loans upang matulungan sila sa mga oras ng pangangailangan.

Ipinangako ni CEO Acosta ang mas magandang mga benepisyo para sa mga miyembro sa ilalim ng bagong rate ng ahensiya katulad ng pagkakaroon ng mas mataas na Pag-IBIG savings ang mga miyembro na kumikita ng taunang dividends na kanilang matatanggap sa pagdating ng kanilang pagiging fully paid member o pagreretiro.

Halimbawa, batay sa dating rate, isang miyembro ay tatanggap ng halos Php 87,000 sa pagdating ng kanilang pagiging fully paid member. Sa kabilang banda, isang miyembro na nag-iipon sa ilalim ng bagong rate sa loob ng dalawampung taon ay tatanggap ng Php 174,000 o ang dobleng halaga.

Kasabay nito ay nagpasalamat siya sa suporta na ibinigay ng TUCP o Trade Union Congress of the Philippines, FFW o Federation of Free Workers, PGEA o Philippine Government Employees’ Association, Overseas Filipino Workers’ (OFW) organizations, at ECOP o Emplo­yers Confederation of the Philippines sa kanilang plano na taasan ang mga rate ng kontribusyon.

Simula sa February 2024, ang buwanang ipon ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund, kasama ang bahagi ng empleyado at ang katuwang na kontribusyon ng employer, ay tataas mula sa kasalukuyang Php 100.00 bawat miyembro, na magiging Php 200.00. Ito ay kasunod ng pag-ayos sa maximum na buwanang compensation na ga­gamitin sa pagkuha ng kinakailangang dalawang pors­yento o 2% na ipon ng empleyado at 2% na kontribusyon ng emplo­yer para sa mga miyembro na ngayon ay tataas mula sa kasalukuyang Php 5,000 papuntang Php 10,000.

Sinabi naman ni DHSUD o Department of Human Settlements and Urban Development secretary Jose Rizalino Acuzar na sa bagong buwanang rate ng ipon ng miyembro at employer, mas magi­ging handa na silang pondohan ang lumalaking pangangailangan para sa home loans ng mga miyembro habang pinanatili ang abot-kayang mga rate.

Aprubado ng Board of Trustees noong 2019, dapat sana’y ipinatupad ang bagong buwanang rate ng ipon noong 2021, ayon sa Pag-IBIG. Ngunit nagdesisyon ang ahensiya na ipagpaliban ito dahil sa COVID-19 pandemic.

Previous articleBIR National Tax Compliance Verification Drive
Next articleBAGONG ANTI-TERROR LAW AT AMNESTY MAAARING SABAY