MANILA, Philippines- Hinikayat ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang pamahalaan ng magsagawa ng aksyon ubang kontrolin ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Inihayag ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. na dapat makakuha ang bansa ng mas maraming suplay ng bigas dahil inaasahan nito na madaragdagan ang presyo ng bilihin ng hanggang ₱4 kada kilo sa gitna ng mahigpit na suplay sa global market.
Iginiit ni Cayetano sa isang panayam na mahalagang maghayag ang Malacañang ng mensahe sa rice smugglers, gaya ng paggamit ng “very, very strong language” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ikalawa niyang State of the Nation Address.
Tinutukoy ni Cayetano ang babala ng chief executive sa smugglers na bilang na ang kanilang mga araw. Binanggit din niya ang aksyon ng Department of Justice laban sa smuggling syndicates.
Sinabi ng senador na kailangang magkaroon ng iba pang contingency plans ng gobyerno, maliban sa pagbubukas ng Kadiwa stores na nasa mga piling lugar lamang sa bansa.
“Kailangan talaga complete modernization. We have to completely change…the way we think about agriculture,” aniya.
Gayundin, nanawagan ang mambabatas sa mga awtoridad na magbigay ng agarang tulong sa mga magsasaka sa darating na planting season.
Batay sa price monitoring ng Department of Agriculture nitong Aug. 4, nagkakahalaga ang kilo ng bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila markets ng hanggang ₱62 depende sa uri. Mas mataas ang presyo nito kumpara sa ₱60 kada kilo na naitala nitong nakaraang linggo. RNT/SA