Home OPINION PAGTAKBO NI BINAY SA TAGUIG, BINATIKOS NG NETIZENS

PAGTAKBO NI BINAY SA TAGUIG, BINATIKOS NG NETIZENS

KINUYOG ng netizens si Makati Mayor Abby Binay nang sabihing pinag-iisipan niyang tumakbong alkalde sa Lungsod ng Taguig.

Malinaw kasi na may ibang agenda si Binay na taliwas sa ipinalalabas niyang maipagpatuloy ang paglilingkod sa mga residente ng 10 barangay na nasa Enlisted Men’s Barrio o EMBO kaya iniisip niyang tumakbong alkalde ng Taguig.

Kung wagas at seryoso kasi ang sinasabi ng alkalde na gusto niyang ipagpatuloy ang pagtulong sa mga residenteng nawala sa kanyang nasasakupan, hindi niya iniutos ang pagpapasara ng health centers, lalo na ang Fire Stationnoong Pasko at Bagong Taon kung saan madalas magkaroon ng sunog.

Marami ang tumaas ang kilay at nagsabing may kasakiman sa kapangyarihan ang alkalde nang ianunsiyo ang planong pagtakbo bilang alkalde ng Taguig.

Komento ng netizen, “Kung mahal daw nito ang mga taga-Makati, bakit nito iiwan? Mga taga-EMBO lang ba ang bumubuo ng lungsod o may iba siyang agenda?”

Sabi naman ng isa pa, bilyon-bilyong pisong buwis ang nakuha ng Makati sa loob ng 30-taon sa Taguig kaya dapat lang na ibalik ito sa Taguig.

May isa namang nagsabi na akala raw niya ay tapat ang paglilingkod ng kasalukuyang alkalde pero kahit kanyang pamilya ay kaya niyang balewalain at banggain para lang sa kapangyarihan.

Sabi ng marami, kung talagang gustong makatulong ni Mayor Abby sa dati niyang constituents, puwede naman niya itong gawin kahit hindi siya tumakbo bilang alkalde.

Dapat daw tandaan nito na ang pagtulong sa kapuwa, kung tunay na wagas at taos sa puso, dapat walang hinihinging kapalit.

Para raw kasing ang pagnanais ni Mayor Binay ay tulad ng kwento sa bibliya nang tanungin ni Haring Solomon ang dalawang ina na naghahangad na mapunta ang isang sanggol sa pangangalaga ng  isa sa kanila. Napunta ang bata sa inang handang magparaya.

Previous article‘KAMAY NA BAKAL’ VS ILLEGAL QUARRYING SA ILOILO!
Next articlePAMBABALEWALA NG MGA NEGOSYO SA EDAD AT BATAS