Home NATIONWIDE Pagtanggap ng mga pirma sa People’s Initiative dinepensahan ng Comelec

Pagtanggap ng mga pirma sa People’s Initiative dinepensahan ng Comelec

MANILA, Philippines – Dumipensa ang Commission on Elections (Comelec) sa hakbang nitong pagtanggap ng signature sheets para sa People’s Initiative na amyendahan ang 1987 Constitution, kahit wala pang pormal na petisyon.

Ginawa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang pahayag bilang tugon sa sinabi ng isang election law expert na tigilan ng komisyon ang pagtanggap ng dokumento na naglalaman ng mga lagda, na tinawag itong “basura.”

Paliwanag ni Garcia, kumikilos ang Comelec alinsunod sa Resolution No. 10650. Pinipigilan din nito ang pagdadala ng 6 milyon o 10 milyong pirma sa pangunahing tanggapan ng Comelec, na aniya ay mas magastos.

“Isipin niyo dadalhin dito tapos hindi namin ive-verify? Ang aalamin lang namin sufficiency in form and substance, tapos ‘pag sinabi na sufficient ibabalik namin ‘yung 6 million sa iba’t ibang bayan? mas magastos,” sabi ni Garcia.

“For practicality and administrative [reasons] siguro ‘yung kadahilanan kung bakit inuna muna na isubmit ‘yung mga dokumento. In the first place pag sinubmit naman ‘yon wala pang kwenta sa’tin ‘yon,” ayon pa sa Poll chief.

Ayon kay Garcia, bahagi lamang ng ministerial duty at preliminaries ng proseso ang pagtanggap ng mga dokumento na naglalaman ng lagda.

Nilinaw din niya na habang wala pang formal petition na naihain sa Comelec, wala sa hurisdiksyon nito na ipagpalagay na mayroon ngang people’s initiative.

Kapag naihain na ang pormal na petisyon, sinabi ni Garcia na ang Comelec ay maari nang magpatuloy upang matukoy kung ito ay naisumite na kumpleto sa mga kinakailangang attachment.

Ang nasabing mga kinakailangan, aniya, ay kinabibilangan ng bilang ng aktwal na populasyon ng pagboto, at ang bilang ng mga lagda na kailangang kolektahin — hindi bababa sa 3 porsiyento ng bawat isa sa 254 na distritong pambatas sa bansa — na sertipikado ng Election Records and Statistics Department (ERSD).

Sa sandaling maberipika na kumpleto ang requirements, ang komisyon ay magpapatuloy na iberipika ang mga lagda isa-isa.

Samantala, sinabi ng Comelec na sa ilalim ng desisyon ng Korte Suprema, dapat ding kumbinsihin ng tagapagtaguyod ng petisyon ang poll body na talagang nauunawaan ng lahat ng lumagda ang petisyon na kanilang nilagdaan.

Sinabi ni Garcia na walang opisyal na timeline kung kailan magsisimula ang verification dahil depende ito kung kailan eksaktong ihahain ang petisyon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleVP Sara sasabak sa sunod na eleksyon
Next articleBato kay BBM: Magpakalalaki sa ICC probe; ‘Ano ba talaga, kuya?’