MATALINONG pagpapasiya ang ginawa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. nang kontrahin ang panukala ng kanyang “magagaling” na economic managers, sa pangunguna ng kalihim ng pananalapi, na tapyasan ang buwis nang inaangkat na bigas para raw mapatatag ang presyo nito sa lokal na merkado.
Dahil nga sa ginawang panukala nina Finance Secretary Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan, umabot sa 20 samahan ng mga magsasaka ang humiling na sibakin na sa puwesto ang dalawa na sinuportahan pa ng mismong kapatid ng Pangulo na si Senator Imee Marcos.
Aba’y isipin na lang na ang gusto pala nina Diokno at Balisacan ay ibaba sa 10 porsiyento mula sa 35 porsiyento ang ibinabayad na taripa o buwis ng mga importer para raw mapatatag ang presyo.
Kapag nangyari ito, tama si PBBM na ang makikinabang dito ay ang mga rice importer at hindi ang mga magsasakang Pinoy. Samakatuwid, parang tumama sa lotto ang mga importer dahil sa laki ng kanilang magiging ganansiya.
Buti na lang, “may takip ang tenga” ng Pangulo at batid niyang panahon na ng anihan at tiyak na dadami na ang suplay ng bigas na magiging daan para bumaba na ang presyo nito sa lokal na pamilihan. Naniniwala rin kasi si Presidente Marcos na maging ang presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan ay bumaba ang halaga kaya hindi napapanahon para tapyasan ang taripang sinisingil sa rice importers.
Isa pang ikinatuwa ng mga magsasaka ay ang pagtiyak ng Pangulo na hindi titigil ang pamahalaan sa paggamit ng “kamay na bakal” laban sa mga smuggler at hoarder. Sa katunayan, naipasa kaagad sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 9284, o ang Anti Agri-Fishery Commodities and Tobacco Economic Sabotage Act of 2023 na magpapataw ng pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkabilanggo matapos niya itong sertipikahan.
Maging ang mga nagtitinda ng bigas sa lokal na merkado na unang nadismaya sa pagtatakda ng presyo ni PBBM ay nabago ang pananaw sa dati’y binabatikos nilang pagpapasiya dahil gumawa naman ng paraan ang pamahalaan para sila’y maayudahan.
Sa katunayan, maging ang mga maliliit nagmamay-ari ng sari-sari store na may kaukulang permiso at lisensiya sa pagtitinda ay nakatanggap ng cash assistance na P15,000 bilang pambawi sa pagkalugi sa pagtitinda ng bigas.
Sabi nga ni Zamboanga del Sur Rep. Divina Grace Yu, ang aksyon ng Pangulo ay hindi lang isang uri nang pagiging mahabagin kundi naaangkop talaga para sa mga maliliit na negosyanteng naapektuhan ng price cap sa bigas.