Home NATIONWIDE Pagtarget sa 179 RSC, NKTI renovation pinuri ni Bong Go

Pagtarget sa 179 RSC, NKTI renovation pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines – Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang hangarin ng gobyerno na mamuhunan sa pangangalagang pangkalusugan tulad ng binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kinabibilangan ng pagtatayo ng 179 Regional Specialty Centers at pagsasaayos ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) Annex building sa Quezon City sa 2028.

Si Go ang pangunahing isponsor at isa sa may-akda ng Republic Act No. 11959, kilala rin bilang Regional Specialty Centers Act, na nilagdaan bilang batas noong Agosto 24. Iniuutos ng batas ang pagtatayo ng RSC sa loob ng Department of Health (DOH) regional hospitals.

“Ang RA 11959 o ang Regional Specialty Centers Act na ating inisponsor at iniakda kasama si Senate President Migz Zubiri at iba pang kasama sa Senado ay isang malaking tagumpay sa ating adhikain na maihatid ang dekalidad na serbisyong medikal sa ating mga kababayan sa malalayong komunidad—lalo sa mahihirap, hopeless, helpless at walang malapitan maliban sa pamahalaan,” ani Go.

Bilang principal sponsor, si Go ang nagdepensa nito sa Senado kaya nakakuha ng botong 24-0 sa Senado. Sumang-ayon ang lahat ng senador sa RSC dahil makabubuti ito para sa lahat at makatutulong sa mga mahihirap.

Sa paglulunsad ng Lung Transplant Program ng Lung Center of the Philippines (LCP) at ng NKTI, binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. ang kritikal na pangangailangan para sa modernisasyon ng ospital na matagal naantala mula noong masunog ito noong 1998.

“Medyo nalungkot ako nang marinig na ang pinsalang dulot ng sunog noong ’98 ay hindi pa ganap na narerehabilitasyon. I think that’s the first thing that we have to look to,” ang sabi ni Marcos.

Sa kasalukuyan, nakapagtatag na ang gobyerno ng 131 operational Regional Specialty Centers sa buong bansa, ang siyam ay nakatalaga bilang lung care centers.

Layon ng RSC na mapahusay ang accessibility sa espesyal na pangangalagang pangkalusugan, lalo na para sa mga nasa kanayunan.

May alokasyon na P11.12 bilyon ngayong taon, ang mga specialty center na ito ay patunay ng pagsisikap ng pamahalaan na pahusayin ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino, sa patuloy na suporta ni Go bilang tagapangulo ng Senate comittee on halth at vice-chairperson ng Senate cmmittee on finance.

“Mahalaga ang mabilis na pag-aksyon para sa rehabilitasyon ng NKTI at pagtataguyod ng mga bagong Regional Specialty Centers. Ito ay magbibigay daan sa mas mataas na kalidad ng pangangalagang pangkalusugan para sa ating mga kababayan,” idiniin ni Go. RNT

Previous articlePagsusuplay sa mga tropa sa Ayungin, ‘di kailangan ng permiso sa ibang bansa – AFP
Next articleKelot binaunan ng bala sa ulo habang nasa dyip