Home NATIONWIDE Pagtataas sa cash grant para sa 4Ps beneficiaries binubusisi ng DSWD

Pagtataas sa cash grant para sa 4Ps beneficiaries binubusisi ng DSWD

MANILA, Philippines- Pinag-aaralang mabuti ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang posibilidad na itaas ang cash grant para sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang hakbang na ito ay makatutulong sa mga benepisaryo na makayanan ang inflation, nananatili kasing nakapako ang cash grant na kanilang natatanggap simula nang ang 4PS ay lagdaan upang maging ganap na batas noong 2019.

“Ang malinaw na utos ng Pangulo, mag-conduct ng pag-aaral ang DSWD, NEDA, at PSA nang sa ganoon makita ang tamang formula na gagamitin should kailanganin ang increase na ito,” ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez.

Gayunman, ang proseso na dagdagan ang cash grant ay hindi madali, dahil kailangang amyendahan ang 4Ps Law.

“Tayo as long na aamyendahan, kung nagkakaron ng amendment sa 4Ps law at kung lulusot sa National Advisory Council, dahil ito ay atas na ng pangulo, we will gladly implement ano iuutos satin,” ang winika ni Lopez.

“One thing is for sure, pinag-utos ng Pangulo dahil nakikita ng Pangulo na baka yes nabibigyan ng CCT (conditional cash transfer), pero sapat pa ba ito, sapat pa ba ang CCT na natatanggap, baka kulang din naman matatanggap mo. Sa tinatakbo ng discussions, baka don na din patungo ang sitwasyon ng CCT,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, nilinaw naman ng DSWD na wala pang magaganap na pagtataas sa cash grants, sa kabila ng pagtaas ng budget na inilaan sa conditional cash grant program.

Ang budget para sa 4Ps ay tumaas ng 3.57% o P106.3 billion ngayong taon mula sa P102.6 billion noong nakaraang taon.

Ani Lopez, ang karagdagang budget ay gagamitin para sa reactivation o muling pagsasaaktibo ng ibang benepisaryo na nauna nang inalis sa listahan subalit muling ibinalik matapos na patunayan na sila ay nananatiling mahirap.

May ilang benepisaryo ang nagsabi na habang sila ay nagpapasalamat para sa grant, nahihirapan pa rin silang makayanan ang tumataas na presyo ng mga bilihin.

“Okay naman pero pag maraming bata, kulang po, pag nag-budget sa pagkain at pangangailangan sa school, kulang po talaga,” ayon kay Julielyn Lipon, isang 4Ps beneficiary.

“Pwede naman itaas nila, tulad nito high school na, daming pangangailangan, Grade 11 na apo ko eh,” ayon kay Estrellita Opinion, isa pang banepisaryo.¬†Kris Jose

Previous articleDigitization ng rekord ng mga PDL matatapos na – Catapang
Next articlePBBM: PHILHEALTH PREMIUM  RATE HIKE ILALABAS NA