MANILA, Philippines – Sang-ayon si Senador Alan Peter Cayetano sa panukalang alisin sa kapangyarihan ng Kongreso saka ilipat sa Department of Finance (DOF) ang tungkulin sa income classification ng bawat local government units (LGU).
Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na bukod sa naaayon sa Saligang Batas ang hakbangin, maraming benepisyo din ang pakikinabangan dito, hindi lamang ang LGUs, kundi maging Kongreso.
Isa sa mga iilang abogado sa Senado, sinabi ni Cayetano na mapapabilis ang pagtatalaga ng income classification kung ibibigay ito sa DOF na magreresulta sa tiyak na pondo na natatanggap ng LGU mula sa national government na tumutugma sa kani-kanilang pangangailangan.
Ipinunto ito ni Cayetano nitong Agosto 2, 2023 nang isagawa ang period of amendments para sa Senate Bill No. (SBN) 2165 o ang “Automatic Income Classification of Local Government Units” na inisponsor ni Senate Committee on Local Government chair Senator Joseph Victor “JV” Ejercito.
Kapag naisabatas, ililipat ng SBN 2165 ang tungkuling tukuyin income classification ng mga LGU sa DOF mula sa Kongreso.
Ang panukalang batas ay naglalayon na tiyakin na ang income classification ng mga LGU ay naayon sa “prevailing economic conditions and the overall financial status of local governments.”
Ipinagkasundo ni Cayetano ang punto ni Minority Leader Senator Aquilino Pimentel III na posibleng maging “unconstitutional” ang gagawing paglipat at ang pagsang-ayon ng mayorya sa layunin ng panukalang batas.
Paliwanag ng independent senator, “valid and constitutional” ang SBN 2165, dahil sapat at malinaw ang mga pamantayang inilatag ng panukalang batas para sa awtoridad na ibibigay sa DOF, na nakalahad sa Section 5 nito.
Kabilang dito ang tungkuling baguhin ang income reclassification ng mga LGU isang beses bawat tatlong taon.
Isaalang-alang din ang inflation at gross regional domestic product sa pagsusuri kung ang isang LGU ay dumanas ng “prolonged economic shocks” na maaaring maging dahilan kaya kailangang huwag baguhin ang kasalukuyang income classification nito.
“I agree that it is the Minority Leader’s duty to make sure that we do not keep giving away our powers until wala na tayong gagawin dito. But given the data given by Senator Ejercito na very sporadic talaga, years bago ma-reclassify, [makakatulong kung ibibigay natin sa DOF],” pahayag ni Cayetano.
Ang income classification ay tumutukoy sa income category na itinatalaga sa bawat LGU batay sa anual regular income nito.
Ginagamit ito upang matukoy ang kakayahang pananalapi ng LGU na magsagawa ng mga programa at proyekto, ang halaga ng mga financial grant at iba pang uri ng tulong na matatanggap ng LGU, at ang naaangkop na ceiling ng buwis na pwedeng ipataw ng LGU.
Pinamamahalaan ng DOF ang mga resources ng gobyerno at pinangangasiwaan ang mga revenue operation ng lahat ng LGU, bukod sa iba pa.
Binanggit din ni Cayetano na dati nang ginawa ang paglipat ng kapangyarihan ng Kongreso. Ito ay nang ibigay sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang mga desisyon tungkol sa sahod ng mga manggagawa at ang pagpapatupad nito.
Aniya, bagama’t itinuturing ng Senado na mahalaga ang bawat legislative responsibility, dapat ay handa itong italaga ang pagbibigay ng income classification “to ensure na may magre-reclassify [ng income level ng LGUs].”
“Wage is one of the very, very important — in fact, it is existential. Pero we delegated that to wage boards,” punto niya.
Sinabi ni Cayetano na ang pagdelegate sa income classification ay hindi nangangahulugang ipinamimigay ng Senado ang mga kapangyarihan nito “until wala na tayong gagawin dito.”
Hindi rin aniya nawawalan ng kapangyarihan ang Kongreso na makialam kung kinakailangan.
Ang mga mambabatas, aniya, ay maaari pa ring magpasa ng mga batas hinggil sa income classification, katulad ng pagpasa nila ng mga batas para sa dagdag-sahod kahit pa ang wage boards ang siyang namamahala sa pagpapatupad nito.
“When we feel that the delegated power is either not done, is doing it not that well, or whatever, [Congress can step in]. There are standards,” aniya.
“It will be now up to the courts if it is brought there,” dagdag niya. Ernie Reyes