MANILA, Philippines- Nilalayon ni bagong Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na palakasin ang disaster response ng ahensya sa pagpapaigting ng disaster response units sa buong bansa.
Bahagi ng madaro ng DSWD na rumesponde sa mga kalamidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng agarang tulong sa disaster-stricken areas. Subalit, sinabi ni Gatchalian na isang hamon ang paghahatid ng goods mula sa warehouses patungo sa mga nangangailangan nito.
“That’s the battle of logistics, so ang naisip ko na solusyon at strategy doon, kaysa doing central o provincial o regional approach na nandoon ang warehouse at packing center, baka pwede natin hatiin pa ang mga mapa natin into smaller geographic areas for disaster response,” aniya sa isang press conference nitong Biyernes.
Inihalintulad niya ito sa isang “hub and spoke” system. Una, magkakaroon ng large hubs sa regional at provincial areas; sumunod, magkakaroon ng spokes, mas maliliit na warehouses at packing and distribution centers sa mga munisipalidad at maliliit na lugar.
Sinabi ni Gatchalian na mayroong mga lalawigan gaya ng Pangasinan, Isabela, Batangas at Quezon na “mega provinces” dahil sa sukat nito.
“You won’t be omnipresent. Wala ka doon at any given time. But if we cut up, let’s say, Quezon, to eight smaller units for disaster response, then that will be a faster and better approach,” pahayag ni Gatchalian.
Ayon sa kanya, mapabibilis ng smaller distribution points ang pagdating ng mga suplay. RNT/SA