Home NATIONWIDE Pagtatayo ng marami pang klasrum iginiit ni Bong Go

Pagtatayo ng marami pang klasrum iginiit ni Bong Go

MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat iprayoridad ng pamahalaan ang pagtatayo ng marami pang silid-aralan kasunod ng pagtanggi na ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte sa naunang hiling na magkaroon ng confidential funds ang kagawaran.

Binigyang-pansin ni Go ang panukalang pagtaas ng badyet para basic education facilities na nakatakdang tumaas ng P10 bilyon—o katumbas ng 44% increase kumpara sa badyet ng kasalukuyang taon.

“Importante po ito para matugunan ang kakulangan sa mga classroom lalo na ngayong balik face-to-face na po ang mga estudyante at ang mga guro,” ani Go sa pagtalakay ng Senado para sa badyet ng Department of Education’s (DepEd) sa 2024.

Ipinunto ng senador ang direktang impact ng malaking kakulangan ng klasrum sa edukasyon ng mga mag-aaral.

Batay sa mga naunang talakayan, nahaharap ang Pilipinas sa katakot-takot na gawaing pagtatayo ng humigit-kumulang 159,000 silid-aralan upang matugunan ang nasabing kakulangan.

Idiin ni Go na nakasalalay ang kinabukasan ng bansa sa kalidad ng mga programang pang-edukasyon nito.

Sinabi ng senador na sa sa kanyang pag-iikot sa buong bansa, palaging inilalapit sa kanya ng mga teacher ang kakulangan sa classrooms lalo sa mga liblib na komunidad.

“Marami pong nagpapatulong sa atin at inilalapit naman natin ito sa departamento, ” ani Go.

Sa kanya mismong karanasan, nasaksihan ni Go ang masamang kalagayan ng ilang paaralan na may sira-sirang bubong, hindi kasiya-siyang kondisyon sa silid-aralan, at hindi malinis na banyo, bukod sa iba pang isyu.

Ibinahagi ni Go ang kanyang personal na obserbasyon noong nakaraang barangay elections, partikular sa kalunos-lunos na estado ng educational facility sa Buhangin Central Elementary School sa Davao City.

“I witnessed first-hand the sorry state of the facilities in Buhangin Central Elementary School, may sementado, may kahoy po. Paano makapag-aaral nang maayos ang mga bata kung yero lang ang bubong, napakainit niyan kapag tanghali at hindi rin makatutulong ‘yan kapag umuulan,” ani Go.

Kaya sinabi ni Go na kasama niya si VP Sara at ang DepEd sa pagsisikap na mapabuti ang mga pasilidad ng basic education sa pamamagitan ng pagsuporta sa increase ng budget para sa programa.

Samantala, binigyang pansin ni Go ang panukala ng Senado na magdagdag ng P3 bilyon sa budget ng DepEd. Matapos nito ay pinuri niya ang desisyon ng Bise Presidente na talikuran ang kahilingan para sa mga kumpidensyal na pondo.

Iginiit niya na dapat ibalik ang anumang bawas sa budget ng DepEd sa pamamagitan ng mga programang makikinabang ang sektor ng edukasyon, partikular na ang pagtugon sa backlog ng pagpapagawa ng silid-aralan.

Sinabi ni Go na hindi natitinag ang pagtitiwala at suporta niya sa Bise Presidente at pinuri ang kanyang hakbang tungo sa pagresolba sa isang isyu.

“Wala akong duda na sa pamumuno ni Bise Presidente Duterte at sa patuloy na suporta ng lahat ng stakeholders, makakamit ng Department of Education ang mabuting hangarin para sa ating mga estudyante at sa sektor ng edukasyon sa kabuuan,” pagtatapos ni Go.

Previous articleTimor-Leste nagpasalamat sa suporta ng Pinas sa ASEAN membership
Next articleTolentino: Post-elex training sa bagong brgy. execs mission-critical