
NILAGDAAN ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. kamakailan ang batas na nag-uutos sa DOH o Department of Health na maglagay ng Regional Specialty Centers sa mga ospital na pinapatakbo nito sa bawat rehiyon at maging sa mga nasa sa GOCCs o government-owned and controlled corporations.
Nakapaloob sa Republic Act No. 11959 ang pagkakaroon ng regional centers para sa cancer, cardiovascular, lung, renal care and kidney transplant, brain and spine, trauma, burn, orthopedic, physical rehabilitation medicine, infectious disease and tropical medicine, toxicology, mental health, geriatric care, neonatal, dermatology, ENT o ear, nose and throat, at eye care.
Itinatakda rin ang pagkakaroon ng isang specialty center sa bawat rehiyon sa loob ng limang taon o hanggang 2028.
Ang DOH rin ang siyang bahala sa kategorisasyon ng ospital bilang NSC o national specialty centers, ACSC o advanced comprehensive specialty centers, at BCSC o basic comprehensive specialty centers alinsunod sa Philippine Health Facility Development Plan.
Ang DOH rin ang siyang bahala sa kategorisasyon ng ospital bilang NSC o national specialty centers, ACSC o advanced comprehensive specialty centers, at BCSC o basic comprehensive specialty centers alinsunod sa Philippine Health Facility Development Plan.
Ang bagong batas ay isa sa mga katuparan ng socio-economic agenda ni Pangulong BBM na nagseseguro sa abot-kaya, tuloy-tuloy at para sa lahat na serbisyong pangkalusugan.
Malaking tulong sa mahihirap na nasa mga GIDA o geographically isolated and disadvantaged areas ang bagong batas dahil hindi na nila kakailanganin pang ibayahe sa Maynila para maipagamot dahil kakayanin na ng kanilang regional hospital na matugunan ang kanilang karamdaman.
Mayroong 60 araw ang DOH para sa pagbuo ng kakailanganing IRR o implementing rules and regulations na may konsultasyon sa mga NSC, ospital na nasa ilalim ng kagawaran, at iba pang stake holders.
Ang bagong batas ay mula sa House Bill No. 7751 at Senate Bill No. 2212 na ang bicameral conference report ay kapwa pinagtibay ng Kongreso noong May 31, 2023.
Sa kasalukuyan, may limang specialty hospitals na nasa pangangasiwa ng DOH kabilang ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, Philippine Heart Center, at Philippine Orthopedic Hospital.