MANILA, Philippines- Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Energy (DOE) na pabilisin ang pagtatayo ng transmission facilities para sa offshore wind (OSW) projects at mapataas ang kontribusyon ng renewable energy (RE) sa kabuuang suplay ng enerhiya ng bansa.
Sinabi ni Gatchalian na sa ganitong proyekto, maaaring maiposisyon ang bansa na maging kauna-unahang ekonomiya sa Southeast Asia na may pasilidad ng OSW
Ayon kay Gatchalian, ang malalaking kapasidad ng offshore wind projects ay nagbibigay-diin sa pangangailangang pahusayin ang kakayahan ng national grid ng bansa para ma-accommodate ang karagdagang suplay mula sa RE projects.
“Magkakaroon ng mas magandang posisyon ang bansa upang makaakit ng investments sa renewable energy kung may nakalatag na mga transmission facility, lalo na para sa offshore wind project farms,” sabi ni Gatchalian.
Sinusuportahan ng naturang transmission facilities ang isang circular na inilabas ng Department of Energy (DOE) noong nakaraang taon na nag-aalis ng limitasyon sa foreign ownership ng RE facilities sa pag-asang makaakit ng mas maraming pamumuhunan.
Ang nasabing circular ay nagbibigay-daan sa mga dayuhang mamamayan at mga dayuhang kompanya na magkaroon ng majority ownership sa mga proyektong makakatuklas, bubuo, at gagamit ng RE resources gaya ng solar, wind, biomass, ocean, at tidal energy.
“Walang saysay ang pag-alis ng limitasyon sa foreign ownership kung ang national grid ng bansa ay walang mga pasilidad sa paghahatid ng karagdagang output ng enerhiya na nagmumula sa mga pasilidad ng RE na ito,” idiniin ng senador.
Isinusulong ni Gatchalian ang paglikha ng mas maraming RE projects upang makatulong na maibaba ang halaga ng enerhiya sa bansa dahil sa pagbibigay ng pinakamurang generation cost kumpara sa coal-fired at gas-fired power plants.
Ang pagpapaunlad ng mga pasilidad ng RE, kabilang ang mga OSW, ay makakatulong din na matiyak ang sapat na enerhiya, sabi ng senador.
Ang departamento ng enerhiya sa ngayon ay nagbigay ng 79 offshore wind service contract na mayroong 61.91 gigawatts (GW) ng kapasidad na naka-install. Ang mga pangunahing lugar na natukoy ay ang Northern Luzon, Northern Mindoro, at Southern Mindoro. Ernie Reyes