MANILA, Philippines – Maghahain ng isang resolusyon si Senate President Juan Miguel Zubiri ngayon sa pagbubukas ng sesyon sa Senado upang itigil ang bilateral talks sa China at kondenahin ang panggigipit ng Beijing sa barkong pag-aari ng Filipino sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pahayag, sinabi ni Zubiri na ipagpapatuloy din ang diplomatic protest laban sa China saka idudulog ang apela laban sa panggigipit ng naturang bansa sa United Nations General Assembly (UNGA).
“That’s number one, it’s of course to continue the diplomatic protest, then discontinue bilateral discussions with China. And then number two, to file the appeal to the [United Nations] General Assembly (UNGA). Puwede rin po nilang aksyunan ‘yun. That will be one of the options,” ayon kay Zubiri.
Kasunod ito ng resolusyon na inihain ni Senador Risa Hontiveros na humihiling sa Department of Foreign Affairs (DFA) na idulog sa UNGA ang panggigipit ng China sa barkong Filipino sa WPS.
Aniya, lalamanin din ng resolusyon ang pagkondena ng Senado sa panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilpinas at patuloy na pagtanggi sa 2016 Hague ruling na nagbabasura sa nine-dash line nito sa South China Sea.
Sinabi ni Zubiri na mabibigyan ng ibang pamamaraan ang gobyerno na tugunan ang harassment ng China bukod sa panukalang resolusyon sa UNGA.
“Hindi naman po tayo executive. Ang pangulo talaga ang nagdidikta ng foreign policy ng ating bansa — kung gusto ba niyang makipagdiskusyon, gusto ba niya itong idulog sa UN General Assembly, o gusto niyang mas matindi pang ipaglaban ang ating mga stake dito sa mga lugar na ito,” aniya.
“Although the Senate puwede naman pong magbigay ng tinatawag na opinion. We can make suggestions. We can give the sense of the Senate na nakikita po natin, ‘yung galit po natin dito sa pangyayari sa West Philippine Sea,” giit ni Zubiri.
Nakatakdang magpulong ang senador sa opisyal ng DFA, National Task Force-West Philippine Sea, National Intelligence Coordinating Agency, at Armed Forces of the Philippines upang talakayin ang pamamaraan na ipatupad ang soberenya ng bansa sa pinagtatalunang karagatan. Ernie Reyes