MANILA, Philippines- Nangako ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan na ibabalik ang pamamahala kasama ang ibang miyembro ng umano’y kulto ng Socorro Bayanihan Services Inc.
Isang composite team, binubuo ng mga empleyado mula DSWD, Department of Health (DOH) at Department of Education (DEpEd) ang lilikhain at itatalaga para mangalap ng baseline data ukol sa kalusugan at karunungang bumasa at sumulat ng mga bata, expectant mother at nursing mother sa Socorro complex na matatagpuan sa Sitio Kapihan, Surigao del Norte.
“The National government will bring back governance in the area. Life and governance must go on inside the premises of the Socorro Bayanihan Service INc.,” ayon kay DSWD Secretary Rex Garchalian.
Aniya, ang impormasyong makakalap mula sa mga residente sa complex ay magsisilbing pundasyon ng pamahalaan sa paggawa ng mga pamamaraan na makatutulong na magkaroon ang mga ito ng magandang pamumuhay.
Sinabi pa ng departamento na nakikita na nila ang human development component ng panukalang restorasyon sa pamamagitan ng paggamit ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services program, na lilikha ng ‘learning at health facility’ sa lugar.
Ang Sustainable Livelihood Program, Cash-for-Work program at child psychologist ng departamento ay gagamitin at itatalaga sa lugar.
Sinabi ng DSWD, mayroong 909 pamilya o 3,184 indibidwal ang nakalista bilang miyembro ng Socorro Bayanihan Services, Inc.
Mula sa nasabing bilang, 1,967 ang adults habang 1,173 naman ang menor-de-edad.
Sa kabilang dako, sinabi rin ng DSWD na isinasagawa na ang national approach para palakasin ang human life index ng mga miyembro ng Socorro.
Binalak ito nang gawin ang inter-agency meeting na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa DepEd, DOLE, DOH, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlements and Urban Development, Department of Environment and Natural Resources, Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Philippine Statistics Authority (PSA), Philippine National Police (PNP) at Gawad Kalinga.
Ang Tesda ang magbibigay ng skills training sa mga residente habang ang PSA naman ay nakatakdang tumulong sa birth at marriage certificate registration sa mga hindi pa nakakukuha nito. Kris Jose