Home NATIONWIDE Pahayag ng PDEA na wala sa drug watch list si PBBM, kinontra...

Pahayag ng PDEA na wala sa drug watch list si PBBM, kinontra ni Duterte

KINONTRA ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte ang naging pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na wala at hindi kailanman nakasama ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa drug watch list nito.

Ang pangako ni Duterte, ipalalabas niya ito sa publiko kapag nakuha na niya ang nasabing dokumento.

Araw ng Linggo, nanguna si Digong Duterte sa prayer rally laban sa people’s initiative at Charter change.

Sinabi pa nito na si Pangulong Marcos ay nasa drug watch list ng PDEA.

Hayagang itinanggi naman ng PDEA nitong Lunes na kasama si Pangulong Marcos sa kanilang drug watchlist.

Matatandaang nitong Linggo, isiniwalat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasama raw sa drug watchlist ng PDEA si Marcos.

“Sabi mo ngayon, ‘yung PDEA wala raw record. Itong mga PDEA, mga ugok ‘to. Sino ba namang PDEA magbigay… ‘Sir, ito yung record mo d’un sa narco,” ayon kay Digong Duterte.

“But anyway, hanapin ko ‘yun. As soon as it is in my hands, I will release it,” dagdag na pahayag nito sabay sabing “Yung Presidente manghingi ng sarili niyang derogatory report, ibigay mo? Tingnan mo kung wala na si Marcos, maglabasan uli ‘yan.”

Samantala, tinawanan na lamang ni Pangulong Marcos ang mga alegasyon sa kaniya ni dating Pangulong Duterte na umano’y nasa drug watch list siya ng PDEA.

Sa ambush interview dito sa Villamor airbase bago umalis ang pangulo patungong Vietnam, sinabi ni PBBM na ang mga tirada ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya ay maaaring dahil sa paggamit umano ng fentanyl o pain killer.

Previous articleLalaking nakipaglamay, todas sa nakaaway
Next article2 nawawala sa landslide sa Caraga, Davao Oriental