Home METRO Palarong Pambata isinagawa kontra labis na pagtaba

Palarong Pambata isinagawa kontra labis na pagtaba

MANILA, Philippines – Idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, sa pamamagitan ng nutrition unit ng City Health Office, ang Palarong Pambata noong Nobyembre 23 sa Valenzuela City People’s Park Amphitheater.

Layon ng aktibidad na isulong ang pisikal na aktibidad, pagpili sa masusustansyang pagkain, at mas malusog na pamumuhay, lalo na’t dumarami ang bilang ng mga batang sobra sa timbang.

Nakiisa naman si Navotas Mayor John Rey Tiangco sa pagdiriwang ng National Reading Month sa Kapitbahayan Elementary School, kung saan inilunsad ng Embassy of the United States Manila ang Read A Book, Learn A Word Program.

Upang mapukaw ang pagmamahal sa pagbasa sa mga bata ay nagsagawa ng story reading ang kinatawan mula sa US Embassy. Namahagi rin sila ng mga story book at diksyunaryo sa mga mag-aaral.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Tiangco ang mga magulang at guro na habang maaga pa ay itanim na sa puso at isip ng mga bata ang pagmamahal sa pagbabasa upang lumawak pa ang kanilang pang-unawa sa mundo sa kanilang paglaki.

Sa Caloocan, nagpatawag ng General Assembly ang Housing and Resettlement Office (HARO) sa 29 pamilya mula sa Barangay 178 at 187 na walang sariling tahanan at apektado ng itatayong columbarium sa hilagang bahagi ng lungsod.

Lahat sila ay nahikayat na lumipat sa Tala Residences na malapit lamang sa kanilang kinagisnang komunidad. Magsisimula ang kanilang relokasyon sa Nobyembre 29.

Nagpapasalamat ang pamahalaang lungsod sa pakikiisa ng  mga mamamayan upang mabigyang- daan ang pagpapatayo ng columbarium, at sa pagtutulungan ng HARO at National Housing Authority (NHA) upang tiyakin na mayroong maayos, disente, ligtas, at komportableng bahay ang mga taga-Caloocan.

Samantala, patuloy ang declogging operation ng Malabon City Engineering Office sa F. Sevilla Blvd., sa gilid ng sementeryo sa Brgy. San Agustin upang mapanatili ang kalinisan at kahandaan ng komunidad.

Layon ng hakbang na ito ang muling buksan ang mga daanan ng tubig, tiyakin ang epektibong daloy nito, at higit sa lahat, mapanatili ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga residente sa lugar. Merly Iral

Previous articleKauna-unahang PH cancer-centered hospital binuksan na
Next articleNanay binaril sa harap ng anak