Home OPINION PALASYO BUKAS SA PUBLIKO NGAYONG PASKO

PALASYO BUKAS SA PUBLIKO NGAYONG PASKO

SA kauna-unahang pagkakataon, binuksan sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pinakamahabang panahon ang Malacañang Palace Grounds para ma-enjoy ng bawa’t pamilyang Pilipino ang  Kapaskuhan.

Batid kasi ng Pangulo at ni First Lady Liza Marcos na mamamayan ang silang tunay na nagmamay-ari ng Palasyo kaya nararapat lamang na buksan sa publiko kasama ang kanilang pamilya, upang bumisita  na saktong-sakto sa  temang “Tara sa Palasyo”.

Pero hindi pa man hinihimok ng “First Couple” ang mamamayan na bumisita sa Palasyo, sa simula pa lamang panunungkulan ni PBBM, ay binuksan na niya ang Malacañang Palace Ground sa masang Pilipino.

Kakaiba ang saya at ligayang idudulot sa bawa’t pamilyang Pinoy kung tutugunan nila ang imbitasyon ni Pangulong BBM at may-bahay niya dahil may inorganisang espesyal na programa sa mga ordinaryong mamamayan, lalo na sa mga bata dahil may mini-carnival na itinayo na may iba’t-ibang uri ng rides.

Hindi lang ito ang atraksiyong makikita ngayon sa Palace Grounds dahil punong-puno ng mga kumukutitap na ilaw ang paligid, pati na ng nagniningning na Christmas Tree, na pwedeng sabihin na magiging makasaysayan sa bawa’t pamilyang magpapakuha ng larawan.

Kung sa mga amusement park na may bayad ang bawa’t sakay sa mga rides, dito sa loob ng Malacañang Palace Grounds ay one-to-sawa dahil bukas hanggang alas-7 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Binibigyang pagkakataon naman pamilyang Pinoy  na dumalo sa tradisyunal na Simbang Gabi na magsisimula ng alas- 4:30 ng madaling araw sa harapan ng Mabini Hall.

Kaugalian nating mga Pilipino na tumatanggap ng bisita tuwing Pasko at imbitahin ang mga kaanak, kapitbahay at mga kaibigan sa makakayanang piging o kasiyahan. Kaya ang pagbubukas ng Palasyo ngayong Pasko ay paraan upang mabati ng Pangulo ang taumbayan ng “Tuloy po kayo sa bahay ninyo.”

Bilang pangunahing katiwala sa pamahalaan, batid ni PBBM na pansamantala lamang ang kanyang pagiging caretaker sa Malacanang at hindi niya ito pag-aari kundi pag-aari ito ng mamamayan. Bago i-anunsiyo ni Pangulong BBM ang imbitasyon nila sa publiko na bumisita sa Malacanang Palace Grounds, namigay ng regalo ang Pangulo sa mga bata sa mismong harapan ng Palasyo bilang bahagi ng kanyang maagang pamasko sa bawat Pilipino.

Previous articleKONGRESO SUMANG-AYON KAY PBBM
Next articleKARDINAL: MAY ATIK NA, MATULIS PA