MANILA, Philippines- Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala ni Senador Raffy Tulfo na imbestigahan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Pinaalalahanan ni Tulfo nitong Martes, Mayo 16, si Pangulong Marcos sa posibilidad ng seryosong banta sa seguridad ng bansa ang maliit na porsyon na pagmamay-ari ng China ang NGCP.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagpahayag ng kanyang intensyon si Tulfo kay Pangulong Marcos na i-assess ang performance ng NGCP.
Pumayag naman ang Pangulo hinggil dito at nagpahayag na ang gobyerno ang magko-kontrol sa ahensiya kung kinakailangan.
“The President agreed with the senator’s proposal to conduct a comprehensive study or hold hearings to determine the actual situation. If necessary, the government will take back control of the entity,” ayon sa PCO sa isang kalatas.
Winika pa ng PCO na hangad ni Tulfo na suriin ang security aspect, partikular na sa kung sino ang nagko-kontrol sa NGCP.
Nauna rito, binanggit ni Tulfo sa Pangulo ang sinasabing pag-kontrol ng China sa NGCP, sabay sabing may hatid itong seryosong security threat sa bansa.
Ibinahagi naman ni Tulfo sa Pangulo ang di umano’y mga paglabag ng NGCP sa kanilang prangkisa, “specifically the failure to follow timely development and connectivity in the main grid of energy power in various provinces amid recent power disruptions.”
Sinabi pa rin niya na ang malaking bahagi ng kinikita ng NGCP ay napupunta sa shareholders at hindi sa “system development” nito. Kris Jose