MANILA, Philippines – Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility si Super Typhoon Mawar at tinawag na itong bagyong #BettyPh.
Bandang alas-3 ng madaling araw ng Sabado, tinatayang nasa 1,345 kilometro silangan ng Central Luzon ang sentro ng mata ng Super Typhoon Betty na may lakas na hanging aabot sa 195 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 240 kilometro bawat oras.
Kumikilos si Betty sa direksyong kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 25 km/h.
Samantala, ang hanging habagat ay makakaapekto sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, iniulat ng PAGASA.
Ang Palawan, Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dahil sa hanging habagat at labangan ng Betty. Ang mga flash flood o landslide ay maaaring mangyari sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa habagat na daloy ng hangin at mga localized thunderstorm na may posibilidad na magkaroon ng flash flood o landslide sa panahon ng matinding pagkulog. RNT