Home OPINION PALIT O EKSTENSYON?

PALIT O EKSTENSYON?

NOONG nakaraang linggo, tahimik ang  Philippine National Police at halos ang 228,000 strong police force ay nakikiramdam sa magiging kaganapan sa Camp Crame sa Marso 31.

Inaasahan kasi na bababa na sa pwesto si PNP Chief P/Gen Benjamin Acorda Jr. matapos ang ipinagkaloob sa kanyang ekstensyon sa serbisyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dapat kasi ay noong Disyembre 4 pa natapos ang serbisyo ni Acorda sa PNP kung saan ay umabot ito ng mahigit 37 taon. Subalit dahil wala pang mapiling pamalit kay Acorda ay pinaabot na bago mag-Abril ang kanyang panunungkulan.

Ngayon, bulong-bulongan sa Camp Crame na posibleng pagkalooban muli ng ekstensyon hanggang Disyembre si Acorda pero duda rin sila sa inianunsyo ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na hawak na niya ang mga pangalan ng tatlong heneral na ang isa ay posibleng pumalit kay Acorda.

Sa tatlong pangalan na irerekomenda ni Abalos kay Pangulong Marcos, pawang “output based” o performance ang pinagbasehan niya sa nais na magiging PNP Chief. Iyon bang tumutugon sa usapin ng krimen tulad ng cybercrime, illegal drugs, iba’t ibang krimen na totoong perwisyo sa pamayanan.

Iginiit ni Abalos na bagaman may karapatan siyang magrekomenda, nasa Pangulong BBM pa rin ang pagpapasya kung sino ang nanaisin nitong maupo bilang pinakamataas na opisyal ng PNP.

Lamang, may mga bali-balita na may isang heneral at asawa nito ang laging nakatutok o laging nakabuntot kay First Lady Liza Araneta kung saan mang probinsiya ito magpunta tulad noong nakaraang linggo nang magtungo sa Isabela ang kabiyak ng Pangulong Bongbong.

Mayroon din namang isang heneral na minamanok ng isang mataas na opisyal sa Malacañang at talagang tumututok ito sa ipapalit na PNP Chief.  Sabi, out na raw ang mga opisyal o heneral na mula sa Visayas at Mindanao.

Sa ngayon, kanya-kanya talagang pakita ng galing ang mga opisyal ng PNP na naghahangad na makuha bilang kapalit ni Acorda.

Pero kung ako ang  Pangulo o tatanungin ng Pangulo (lakas ng tama! Ambisyosa!-Ed) ang ilalagay ko ay iyong matagal-tagal pa sa pwesto upang hindi na mamrublema ang pamunuan ng Palasyo kung sino ang nararapat na papalit bukod pa sa mas magandang mahaba pa ang serbisyo upang tuloy-tuloy at hindi pabago-bago ang mga proyekto at programa ng PNP.

 

Previous articleHERBOSA sa PHILHEALTH: MGA BENEPISYO palawakin
Next article‘BALAI BANYUHAY’