Home NATIONWIDE Pamahalaan ‘di titigil sa paglaban vs NPA, terrorist groups – Defense chief

Pamahalaan ‘di titigil sa paglaban vs NPA, terrorist groups – Defense chief

MANILA, Philippines – Nangako si Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na patuloy na isusulong ng pamahalaan ang paglaban sa mga teroristang grupo, kasunod ng pagkasawi ng isang sundalo sa sagupaan sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Batangas nitong weekend.

“Ang AFP [Armed Forces of the Philippines] ay palaging nakabantay at hindi titigil sa pagsugpo ng lahat ng teroristang grupo na nagdudulot ng kapahamakan sa ating bansa,” saad sa pahayag ni Teodoro nitong Linggo, Disyembre 17.

Ang sagupaan ay nangyari tatlong linggo makaraang gawaran ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng amnesty ang mga dating miyembro ng rebeldeng grupo, kabilang na ang NPA.

Kasabay ng pakikiramay, siniguro ni Teodoro na tutulungan ang pamilya ng nasawing sundalo at pagpapagamot sa tatlo iba pang nasaktan.

“We are ensuring that our wounded soldiers will receive the best medical care, and provide all the necessary assistance to the family of our slain soldier during this difficult time,” dagdag pa niya.

Hindi na pinangalanan ang nasawi at mga nasugatang sundalo.

Nitong Linggo, matatandaan na nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at NPA rebels, na pinaniniwalaang miyembro ng Southern Tagalog Regional Party Committee’s Sub-Regional Military Area 4C, sa Barangay Malalay, Balayan.

Nasawi naman ang anim na rebeldeng NPA sa nasabing bakbakan. RNT/JGC

Previous articleLalaki patay, angkas sugatan sa banggaan
Next articlePBBM sa Asian Zero Emission Community, mamuhunan sa renewable energy industry sa Pinas