MANILA, Philippines – Tinitignan ngayon ng gobyerno na magdagdag pa ng malaking PCG vessels na mag-escort sa mga sasakyang pandagat tuwing resupply missions para sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang ahensya ay nakatuon na magbigay ng mas marami at mas malalaking sasakyang-dagat.
Gayunpaman, sinabi niya na ang usapin ay nangangailangan ng clearance mula sa National Task Force (NTF) WPS.
“That’s an option for the national government. We’re still going to clear this on the NTF WPS if there is a need for us to increase the number of the Coast Guard vessels to support the resupply mission,” sinabi ni Tarriela sa panayam ng CNN Philippines.
Sinabi ni Tarriela na ang PCG ay may 97-meter vessels ang BRP Melchora Aquino at BRP Teresa Magbanua, pati ang 83-meter vessel BRP Gabriela Silang.
Ginawa ng PCG ang pahayag kasunod ng insidente noong Agosto 5 kung saan hinarang ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng PCG malapit sa Ayungin Shoal.
Samantala, sinabi ni American maritime security expert Ray Powell sa hiwalay na panayam ng CNN Philippines na ang istratehiya ng China ay nagsasagawa ng blockade para agawin ang Ayungin Shoal.
Aniya, nais ng China na mapasakanila ang Ayungin Shoal kaya nila hinarang ang suplay para sa BRP Sierra Madre.
“So eventually once the Philippine Navy leaves the Sierra Madre, where it breaks up, slides off the shoal, simply becomes untenable, that gives China essentially possession of the shoal,” dagdag pa ni Powell. Jocelyn Tabangcura-Domenden