MANILA, Philippines – Mariing kinokondena ng Quezon City government ang insidenteng kinasangkutan ng isang pulis sa Brgy. Nova Proper, Novaliches.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, siya ay nakikiramay sa pamilya ng biktima at inaalam na ng lokal na pamahalaan ang iba’t ibang tulong na maipagkakaloob sa pamilya.
Dagdag pa rito, prayoridad din umano ng alkalde na mabigyan ng agarang hustisya ang pagkamatay ng biktima.
Kaugnay nito umaasa si Belmonte na hindi sasantuhin ng Quezon City Police Department at Philippine National Police si Patrolman Edwin Rivera Simbiling, na ngayo’y nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at nahaharap sa kasong murder at illegal possession of firearms.
Sinabi ni Belmonte na inaatasan na nito ang QC-People’s Law Enforcement Board na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para matiyak na mapapanagot si Patrolman Simbiling sa kanyang ginawa.
“Walang puwang sa Philippine National Police (PNP) ang mga kagaya niya. Hindi natin papayagan na manaig ang karahasan sa Quezon City,” ayon sa alkalde. Santi Celario