MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na kinokonsidera nito ang pagrebisa sa mekanismo sa pagbuo sa listahan ng election areas of concern “based on daily assessments”.
Inihayag ito ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo matapos makapagtala ng ilang insidente ng karahasan sa mga lugar sa ilalim ng green category para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Nangangahulugan ang green category na walang security concerns o mapayapa at maayos sa lugar.
“Ito ay magsisilbing eye-opener sa ating mga security forces para mas lalo pa pong pagtuunan ng pansin,” pahayag ni Fajardo.
“Kung hindi papasok doon sa parameters ng color categorization ay kung maaari ba nila i-elevate based on their daily assessment partikular na rin po sa mga area na may intense political rivalry for purposes of security adjustment?”
Ayon sa opisyal, ang Commission on Elections ang tumukoy sa parameters sa color categorization ng election areas of concern.
Sa 35 naberipikang insidente ng karahasan na kumpirmadong may kinalaman sa BSKE 2023, 15 sa mga ito ang naganap sa mga ligar sa ilalim ng green category, base kay Fajardo.
“Dito po sa 35 [incidents of violence] ay may naitala na 15 [na nasa green category]. At meron naman po tayong mga deployment diyan but we have to understand nag-focus po ang ating deployment sa mga red categories na barangay particularly the 362 [barangays],” aniya.
Kabilang sa kinokonsiderang parameters sa paglikha ng listahan ng election areas of concern ang mga nakaraang ulat ng karahasan sa dalawang nakalipas na halalan, presensya ng partisan at private armed groups, maging mga banta.
Idineklara ni Comelec chairman George Garcia nitong Lunes ang 2023 BSKE na “victory of sorts” kahit na sinabi niyang walang perpektong eleksyon.
“When you say generally peaceful, when you say incidents, we have to factor in the number of voters involved. We have 92 million registered voters. Of this number, how many are affected? We have 202,000 precincts,” ani Garcia sa isang news conference.
“Even if there were disruptions in 2,000 precincts, we would still have 200,000 precincts where voting proceeded as expected. There was only a small percentage where disruption occurred. To us, it is a victory of sorts,” patuloy niya. RNT/SA