MANILA, Philippines – NAKAHANDA ang gobyerno ng Pilipinas na tulungan ang pamilya ng limang tripulanteng Pinoy na nasawi matapos na tumaob at lumubog ang Chinese fishing vessel sa Indian Ocean.
Tiniyak ni Pangulong Marcos ang bagay na ito matapos na kumpirmahin ng mga awtoridad ang pagkasawi ng mga filipino na kabilang sa 39 crew members ng Lupeng Yuanyu 028, na lumubog noong nakaraang linggo.
“Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga kababayan nating nasawi sa tumaob na fishing vessel sa Indian Ocean noong ika-16 ng Mayo,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang kalatas.
“Nakaantabay ang ating pamahalaan para sila’y alalayan,” dagdag na pahayag nito.
PInasalamatan din ng Pangulo ang Australia at China para sa pagpapadala ng rescue teams na nagsagawa ng extensive operations “in spite of the unforgiving weather.”
Sa kabilang dako, sa isang kalatas, nagpahayag ng pakikidalamhati ang Chinese embassy sa Maynila sa pagkasawi ng limang tripulante.
Mahigpit aniya itong nakikipag-usap sa pamahalaan ukol sa bagay na ito.
“We will provide full support to the concerned agency regarding the proper handling of the incident’s aftermath,” ayon sa tagapagsalita ng embahada.
Sinabi pa ng Beijing na masaya at nagpapasalamat ito sa mga bansang Australia, India, at Sri Lanka para sa pagpapadala ng vessels at aircraft para tumulong sa multinational maritime search at rescue operations.
Sinabi pa ng embahada na magpapatuloy ang search and rescue operations sa kabila ng wala pa ring nakikitang survivors. Kris Jose