Home HOME BANNER STORY Pamilya ng nawawalang sabungero inalok ng blood money – Remulla

Pamilya ng nawawalang sabungero inalok ng blood money – Remulla

MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na inalok ng
P20-million ang isa sa pamilya ng nawawalang sabungero kapalit ng pag-atras ng kaso.

Sinabi ni Remulla na inamin ng isa sa pamilya ng biltima na may nag-aalok sa kanila ngunit hindi aniya tinanggap dahil hindi kayang gamitin ng mga pamilya ng complainant ang tinawag na blood money na dulot nang pagkamatay ng kanilang kaanak.

Ang blood money sa ibang bansa ay pagtanggap ng pabuya para tumigil na ang hidwaan laban sa mga ganitong pangyayari.

Kabilang sa mga inalok umano ay ang pamilya ng nawawalang e- abong master agent na si Ricardo Lasco para iatras ang kaso sa halagang 20 million pero hindi ito tinanggap ng pamilya.

“Nagkakabayaran at ang world tradition dito ang sa ibang bansa ang tawag dyan blood money… ang estado kung tutuusin pwede ituloy yan ,” ayon kay Remulla.

Sa harap naman nang pag-atras ng ilang complainant, nanindigan si Remulla na maaari pa ring ituloy ng DOJ ang kaso, lalo na at mayroong salaysay ang mga umatras na complainant sa kaso.

Sa kanilang pagharap sa DOJ, aminado ang ilan sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na nawalan na sila ng pag-asa nang iurong ng ilan sa mga pamilya ng mga missing sabungero sa Manila Arena case ang kaso.

Isa sa mga pinanghinaan ng loob si Ginang Marilyn Germar na nanay ng nawawalang si Glenn Arzen.

Naniniwala si Mrs. Arzeb, na konektado ang lahat ng mga kaso ng mga nawawalang sabungero kaya nababahala sila sa magiging epekto nito sa buong kaso.

Labis dín na ikinalungkot ni Mrs. Maria Cristina Ignacio, asawa ni Mark Joseph ang desisyon ng ilan sa mga pamilya na humikayat pa sa kanila noong una para ilaban ang kaso, ngunit nagulat na lamang aniya sila nang umatras ang kapwa nila complainant na pinaghuhugutan nila ng lakas.

Dismayado si Ryan Bautista, kapatid ng nawawalang si Michael Bautista na ipinagpalit sa pera ng mga umatras ang kanilang nawawalang kaanak.

Batay umano sa source ni Ryan, inalok ng tig- apat na milyong piso ang mga umurong na pamilya.

Kinumpirma naman ni Remulla na naghain ng affidavit of desistance ang pamilya ng ilan sa missing sabungero para ibasura ang kaso na inihain laban sa mga suspek sa Manila Arena case.

Aminado naman si Remulla na makapagpapahina sa ibang kaso ang pag-urong ng ibang pamilya sa Manila Arena case lalo na’t walang masyadong development sa imbestigasyon sa ibang missing sabungero case.

“It throws us into a quandary on how to handle it that’s why the instinct is to see where everybody is and to look at the police and what they r doing so we know if we will stand by them or we will reorganize the investigation as it stands there seems to be very little progress going on,” paliwanag ng kalihim. Teresa Tavares

Previous articleTeves Jr. kinasuhan ng murder ng DOJ
Next articleKim, emosyonal sa batang taga-sementeryo!