MANILA, Philippines – KINILALA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kabayanihan at sakripisyo ng uniformed personnel na napatay at nasugatan “in the line of duty.”
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagbibigay ng parangal ng Comprehensive Social Benefits Program (CSBP) para sa anim na benepisaryo sa thanksgiving ceremony na tinawag na “PBBM: Pagpupugay sa mga Bayani ng Bansang Makabayan” sa Lanang, Davao City.
“Ang okasyong ito ay nagdudulot sa atin ng magkahalong emosyon, panghihinayang sapagkat ang ibang mahal sa buhay natin ay wala na sa ating tabi upang makipagsaya, at kasiyahan sapagkat ang kanilang mga kabayanihan ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon-tipon ngayon at nagmamalaki sa kanilang mga ginawa,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.
Ang CSBP ay nagbibigay ng tulong sa pamilya ng uniformed personnel na napatay o nasugatan habang sila ay nasa security operations.
Tinuran ng Chief Executive na ‘deserve’ ng mga pamilya ng uniformed personnel ang lahat ng uri ng tulong na ibinibigay ng gobyerno sa kanila.
“Ang mga tulong medikal, pinansyal, edukasyon, trabaho, pabahay at iba pang mga social welfare assistance na kalakip ng CSBP ay nararapat lamang sa inyo, sa mga pamilyang naulila ng mga magigiting na kawal sa gitna ng labanan,” ayon kay Pangulong Marcos.
Sa kabilang dako, inatasan naman ni Pangulong Marcos ang lahat ng ‘implementing agencies’ na tiyakin na ang benepisyo at tulong ay agad na ibigay sa mga benepisaryo.
“Inaatasan ko ang mga kinauukulang ahensya na tiyakin ang maayos na implementasyon ng mga ito. Siguruhin ninyo ang mga benepisyo ay mabilis na makakarating sa ating mga mamamayan,”ang wika ni Pangulong Marcos.
“Institutionalized by Executive Order No. 110 s. of 2020, the CSBP provides different types of benefits and assistance, such as special financial assistance, scholarship, special welfare assistance, health and medical care assistance, shelter assistance, and employment assistance,” ayon sa ulat.
Ang Department of the Interior and Local Government, bilang lead implementer ng CSBP, tiniyak ang agarang aksyon at tulong ay epektibong maipaaabot sa personnel at kanilang kuwalipikadong benepisaryo. Kris Jose