
MANILA, Philippines – Bibigyan na ng relokasyon at maayos na matitirhan ang 40 pamilya na nakatira sa Estero de Magdalena sa Recto, Maynila kung saan bumagsak ang malaking puno at ikinasawi ng tatlong katao.
Sinabi ni National Housing Authority general manager Joeben Tai na ang mga bawat biktima ay bibigyan ng P10,000. Umaasa rin ito na ma-relocate sila sa mga available nang housing units.
Nagpaalala naman si Tai na maging wake-up call ang nangyari dahil hindi aniya ligtas na tumira sa mga estero.
Sinabi rin ni Tia na maging ang mga nakatira sa kahabaan ng mga estero sa Maynila tulad ng Estero de San Lazaro, ay ire-relocate rin.
Problema lamang aniya ay may mga kabahayan na ibinibenta at pinauupahan ang bahay na ibibigay ng gobyerno saka bumabalik kung saan nanggaling.
Sinabi rin ng ilang residente na mahirap ang malipat dahil hindi sigurado kung may makukuhang trabaho sa relocation sites.
Kabilang sa nasawi sa nangyaring trahedya ang isang dalawang taong gulang na bata habang lima pa ang sugatan nang mabagsakan ng malaking puno ang kanilang mga bahay dahil sa malakas na ulan.
Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government ang Bureau of Fire Protection (BFP) na mag-imbestiga sa insidente. Jocelyn Tabangcura-Domenden